Tagalog news: 3 footbridges itatayo sa Malolos
LUNGSOD NG MALOLOS, Bulacan, Hulyo 28 (PIA) --Tuluy na tuloy na ang pagtatayo ng tatlong footbridges sa kahabaan ng Mac Arthur Highway na malapit sa mga paaralan sa Malolos.
Ito’y matapos makaseguro ang Department of Public Works and Highways (DPWH) ng pondo mula sa Road Board upang tuluyan nang maisakatuparan ang proyekto.
Ayon kay Engr. Ruel Angeles, pinuno ng DPWH sa 1st Engineering district, “Road Board ang magpopondo sa mga footbridges na iyan. Uunahin naming itayo ang isang footbridge sa tapat ng BulSU (Bulacan State University) dahil nandoon ang pinakamaraming volume ng pedestrian.”
Ang Road Board ay nilikha ng Republic Act 8794 upang magpatupad ng epektibong pamamahala at paggamit ng pondo mula sa Motor Vehicle User’s Charge. Ito ang nakokolektang pera sa tuwing nagpaparehistro ng sasakyan ang alinmang pribado o pambulikong sasakyan.
Kabilang sa nilaanan ng pondo nito ay ang pagpapanatiling maganda ang kalidad ng mga pambansang lansangan sa buong bansa. Pangunahin na riyan ang pagsesegurong ligtas ito sa mga motorista at pedestrian sa pamamagitan ng pagtatayo ng mga road furnitures gaya ng mga footbridges, pedestrian lanes, karatula o gantries, paglalagay ng tamang babaan at sakayan at maging ang paglilinis ng mga bangketa at kanal.
Base sa planong inilabas ng DPWH, lalagyan din ng footbridges ang tapat ng Centro Escolar University (CEU) sa barangay Bulihan sa Malolos at isa pa sa kanto ng Sta. Isabel na patungo sa Marcelo H. del Pilar, Holy Spirit Academy at Holy Infant.
Ipinaliwanag ni Engr. Angeles na “prayoridad na lagyan ng mga footbridges sa ngayon ang mga malalapit o tapat mismo ng eskwelahan dahil marami sa mga estudyante ang hindi marunong tumawid na sadyang mapanganib sa kanila. Kung magkakaroon ng footbridge, may tiyak na tawiran at mababakuran ang mga bangketa na malapit para mapilit silang gamitin ito. Lumapad na kasi ng apat hanggang anim na linya ang Mac Arthur Highway sa Malolos kaya bumilis ang mga sasakyan.”
Kaugnay nito, nagkakahalaga ng P8 milyon ang bawat isang footbridge na may taas na 5.2 metro ang vertical clearance upang hindi sumagko ang mga trak at bus na dadaan sa ilalim nito. (CLJD/SFV-PIA 3)
Number of Comments: 0