Tagalog news: Selebrasyon ng Nat’l Blood Donor’s Month, pinangunahan ng Pampanga

By Aurora Catu

Monday 9th of July 2012
LUNGSOD NG SAN FERNANDO, Pampanga, Hulyo 9 (PIA) -- Pinangunahan ng Pampanga kasama ang Department of Health (DOH) at Philippine Red Cross (PRC) ang selebrasyon ng National Blood Donor’s Month na ginanap sa Bren Z. Guiao Convention Center sa lungsod ng San Fernando kanina.

Dumalo sa nasabing okasyon si Pampanga Governor Lilia Pineda, mga representante ng PRC at DOH, at mga health workers mula sa mga probinsya sa Gitnang Luzon.

Sa kanyang pahayag, nanawagan si Dr. Leonita Gorgolon, DOH regional director, sa lahat ng nagnanais magbigay ng dugo para mas maraming buhay ang mailigtas at para sa tagumpay ng nasabing programa.

Nilinaw ni Gwendolyn Pang, PRC secretary general, na sapat ang suplay ng dugo sa Pampanga at ito ay bilang paghahanda lamang sa pangangailan sa hinaharap para sa mga biktima ng dengue at iba pang mangangailangan ng dugo.

Upang makahikayat pa ng mga boluntaryong magbibigay ng dugo, inihayag ni Pineda ang planong mag-abot ng tulong sa mga boluntaryong magbibigay ng dugo.

Nilinaw ni Pineda na ang nasabing tulong ay hindi pagbibigay ng pera. Ito ay maaring pagbibigay ng seminar ukol sa kalusugan at ilang serbisyong pangkalusugan.

Masaya ring ibinalita ng gobernador ang nalalapit na pagtatayo ng blood center sa Social Action Center of Pampanga (SACOP) sa Brgy. Maimpis sa lungsod ng San Fernando. Ito ay sa pagkikipagtulungan sa DOH, PRC, lokal na pamahalaan ng Pampanga, at ilang pribadong sektor.

Bilang bahagi ng selebrasyon, ginanap ang boluntaryong pagbibigay ng dugo kung saan kabilang sa mga nakiisa ang mga miyembro ng Philippine National Police (PNP), Philippine Army, at mga dumalong health workers.

Ayon kay Dr. Marcelo Jaochico, higit sa 300 ang mga inaasahang magbibigay ng dugo, katumbas nito ang higit din sa 300 bag ng dugo.

“Magkakaroon rin ng ganitong programa sa mga munisipalidad ng Pampanga at iba pang probinsya sa gitnang Luzon,” dagdag ni Jaochico. (CLJD/ATC-PIA3)

Tags:  
Number of Comments: 0
Say something...
Name:
Email:
Website:
Comment:
Transparency Seal   Hatol ng Bayan 2013 Logo
Bayani Challenge Logo   Canon Imagenation Logo
free counters