Tagalog news: Doktor,nars nagsanay sa paggamot ng mas malalang uri ng TB
LUNGSOD NG ANGELES, Pampanga, Hulyo 13 -- Higit sa 40 duktor at nars ang sumasailalim sa limang araw na pagsasanay ng Department of Health (DOH), kasama ang Philippine Lung Center, upang mabigyan ng sapat na kakayahan at kaalaman sa Programmatic Management of Drug-resistant Tuberculosis.
Ang nasabing pagsasanay na nagumpisa ng Lunes at magtatapos ngayon ay naisagawa sa tulong Philippine Business for Social Progress (PBSP) at ginaganap sa Century Hotel sa lungsod ng Angeles.
Layunin ng aktibidad na madagdagan ang kakayahan at kaalaman sa multi-drug resistant TB (MDR-TB) ng mga partisipante na mga kawani ng kalusugan mula sa mga health unit sa Gitnang Luzon.
Ayon kay Richard Campos, field coordinator ng DOH, “Ang MDR-TB ay isang aktibong uri ng TB na hindi na nalulunasan ng Isoniazid at Rifampicin, dalawa sa pinakaepektibong gamot sa TB. Binibigyan ang mga pasyente ng second level drugs na mula pa sa The Global Fund, isang ahensyang nagsusuplay ng gamot sa Pilipinas.”
“Ang pagsasanay na ito na ginagawa sa buong bansa ay nakatuon sa Tuberculosis, isa sa nangungunang dahilan ng pagkamatay sa Piipinas. Pang-apat naman ang bansa sa buong mundo na may pinakamaraming kaso ng multi-drug resistant TB,” dagdag ni Campos.
Karaniwan sa mga maaring maging sanhi ng pagkakaroon ng MDR-TB ang maling pagtrato sa karaniwang TB, kakulangan at mababang kalidad ng gamot.
Ang mga pasyenteng may MDR-TB ay maaring magtungo sa mga treatment center sa buong bansa upang mabigyan ng libreng screening at assessment, libreng laboratory at diagnostic tests, libreng gamot laban sa TB, at suportang pinsyal.
Ilan sa mga senter na nagbibigay ng mga nasabing serbisyo sa Luzon ay ang Gat Andres Bonifacio Medical Center, Dr. Jose N. Rodriguez Medical Hospital, San Lazaro Hospital, Lung Center of the Philippines Batasan Hills Super Health Center, Ilocos Training and Regional Medical Center, Batangas Regional Hospital, at De la Salle Health Sciences Institute.
Matatagpuan naman sa Visayas ang Dr. Pablo O. Torre Memorial hospital, Western Visayas Medical Center, at Vicente Sotto Memorial Medical at sa Mindanao, ang Zamboanga City Medical Center, Xavier University Community Health Care Center, Southern Philippines Medical Center, and Davao Regional Hospital. (CLJD/ATC-PIA 3)
Number of Comments: 0