Tagalog news: Info Text Blast ng PIA suportado ng DILG

LUNGSOD NG SAN FERNANDO, Pampanga, Hulyo 26 (PIA) -- Sinusuportahan ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang Information Text Blast (ITB) ng Philippne Information Agency (PIA).

Sa magkahiwalay na memo mula kay DILG Secretary Jesse Robredo at DILG regional director Florida Dijan, inutusan ang lahat nang mga gobernador, alkalde, punong barangay, at iba pang konektado dito na magbigay sa PIA ng listahan ng kanilang numero sa cellphone at email address bilang suporta sa ITB.

Sa text blast, ang PIA, sa tulong ng National Telecommunications Commission (NTC), Smart Communications at Globe Telecommunications, ay makapagpapadala ng mga importanteng balita at impormasyon na kailangang malaman ng publiko, sa buong bansa, sa pamamagitan ng pagpapadala ng short message system (SMS) sa mga opisyal na dapat padalhan.

“Ang Text Blast ay isang Public-Private Partnership project sa pagitan ng PIA, National Telecommunications Commission, Smart Communications at Globe Telecom, kung saan ang PIA ay magpapadala ng mga impormasyon na kailangan at maaaring makaapekto sa mga padadalhan sa pamamagitan ng SMS o “text” na s’yang pinakamabilis at praktikal na paraan upang maabot ang mas malawak na populasyon,” ani PIA regional director Robert Baldago.

Ayon pa kay Baldago, ang dalawang nabanggit na Telcoms ay naglalaan ng 100,000 na mensahe para sa mga regional office ng PIA sa bawat buwan na ginagamit sa pagpapadala ng mga libreng impormasyon tungkol sa mga paalala sa interapsyon sa serbisyo ng ilaw at tubig, mga paalala sa mga banta sa kalusugan at seguridad, mga programa at proyekto ng gobyerno, anunsyo ng Palasyo kasama ang suspensyon ng mga klase at alerto tuwing may kalamidad tulad ng sitwasyon ng mga dam, mga lugar na daraanan ng mga bagyo, mga binabahang lugar at iba pang kritikal na isyu.

Binigyan ni Robredo ang lahat nang mga punong ehekotibo ng hanggang sa July 31, 2012 upang sumunod at ipadala sa PIA ang nasabing listahan. (CLJD/ATC-PIA3)
Tags:  
Number of Comments: 0
Say something...
Name:
Email:
Website:
Comment:
Transparency Seal   Hatol ng Bayan 2013 Logo
Bayani Challenge Logo   Canon Imagenation Logo
free counters