Coast Guard, MARINA naka-alerto kay "Butchoy"

By Jimmyley I. Guzman

Saturday 16th of June 2012
MANILA, June 16 (PIA) -- Naka-alerto ang puwersa ng Philippine Coast Guard (PCG) at Maritime Industry Authority (MARINA) upang tiyakin ang kaligtasan ng mga pasahero at ng publiko sa posibleng panganib na dala ng bagyong "Butchoy."

Inatasan ng Department of Transportation and Communications (DOTC) ang Coast Guard at MARINA na bantayan ang mga sasakyang pandagat sa mga pantalan at patuloy na paalalahanan ang mga mangingisda at lahat ng shipping companies, maging mga tripolante nito na mahigpit na sumunod sa direktiba.

Sa ilalim ng Coast Guard Memorandum Circular No. 01-09 (Guidelines on Movement of Vessel During Heavy Weather), ipinagbabawal ang paglalayag ng mga mangingisda at anumang uri ng sasakyang pandagat kung may nakataas na storm signal warning sa kanilang lugar o kanilang destinasyon, at sa lugar na maaaring tahakin ng bagyo.

Sakaling wala namang nakataas na bagyo subalit may masungit na panahon, hindi rin papayagan ang mga maliliit na sasakyang pandagat na pumalaot alinsunod naman sa PCG Memo Circular 03 (Guidelines on Movements of Motorboats/Vessels in the Absence of Weather Bulletin)

Nakataas na rin sa red alert status ang Philippine Coast Guard upang agarang tumugon sakaling may mga pasaherong nangangailangan ng tulong.

Samantala, bagaman ibinaba na ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) ang lahat ng public storm warning signals sa bansa, inaasahan pa rin ang patuloy na pag-ulan dulot ng habagat lalo na sa kanlurang bahagi ng Luzon at Visayas.

Pinapayuhan pa rin ang mga mangingisda at maliliit na sasakyang pandagat na iwasan munang pumalaot dahil na rin sa epektong posibleng dalhin ng bagyong ‘Butchoy’ at ng habagat. (DOTC/PCG/PAGASA/RJB/JEG-PIA NCR)


Number of Comments: 0
Say something...
Name:
Email:
Website:
Comment:
Transparency Seal   Hatol ng Bayan 2013 Logo
Bayani Challenge Logo   Canon Imagenation Logo
free counters