Tagalog news: Pagpapalakas sa Project NOAH tiniyak ni P-Noy

By Jerome Carlo R. Paunan

Friday 6th of July 2012
MARIKINA CITY, Hulyo 6 (PIA) -- Tiniyak ng Pangulong Benigno S. Aquino III na lalong palalakasin ng kanyang administrasyon ang inilunsad na "Project NOAH" upang higit na maiwasan o mabawasan ang tindi ng pinsalang dala ng mga natural na kalamidad sa bansa.

Bago matapos ang taong 2013, maglalagay ang gobyerno ng hindi bababa sa 600 awtomatikong rain gauges at 400 water level monitoring station sa 18 pangunahing ilog sa bansa tulad ng mga nakalagay sa Marikina River, Cagayan de Oro River, Iligan River, at iba pa, ayon kay Aquino. Ang Pangulo ay nagtalumpati matapos personal na pasinayaan ang naturang proyekto sa Barangay Nangka, Marikina City, sinabi ng Pangulo na ay

"At ngayon pong nailunsad na ang Project NOAH, tiwala tayong madadagdagan pa at mapapabuti ang ating mga kasangkapan at kagamitan. Ang target po ng DOST: animnaraang locally-produced automated rain gauges at apatnaraang water level monitoring sensors ang maipakabit sa mga piling lokasyon sa iba’t ibang bahagi ng bansa bago matapos ang 2013," pahayag ni P-Noy.

Ang Project NOAH o Nationwide Operational Assessment of Hazards ay programang inilunsad ng Department of Science and Technology sa pakikipagtulungan ng iba't ibang ahensya ng pamahalaan, akademya at mga stakeholder.

Sa pamamagitan ng internet at website ng DOST (noah.dost.gov.ph), maaaring ma-access ng publiko ang "real-time geohazard map" ng bansa na nagbibigay babala, gaya ng sa pagbaha, at may anim na oras na lead time.

Ani Aquino, magtatayo rin ang pamahalaan ng mga karagdagang Doppler radar sa iba't ibang panig ng bansa.

"Tatlong karagdagang Doppler weather radars naman ang inaasahan nating maging operational sa Tampakan, Aparri, at Baler bago matapos ang 2012," aniya.

Base sa kalatas ng DOST, bukod sa kayang malaman ng mga Doppler radar ang dami ng tubig-ulan sa mga ulap, lalagyan din ang mga ito ng disenyo na gaya ng "radio frequency analog front end" at "radar processor" na susukat naman sa taas ng alon, lakas ng hangin at galaw ng karagatan upang mabigyang babala ang mga naglalayag sa ating mga karagatan.

Ang mga makabagong kagamitan na ito ay idadagdag sa operational nang anim na Doppler radar stations sa Baguio, Subic, Tagaytay, Virac, Mactan, at Hinatuan.

Ayon naman kay Science and Technology Secretary Mario Montejo, ang Project NOAH ay makapaghahatid ng tama at napapanahong impormasyon na magagamit at mapakikinabangan ng mga lokal na pamahalaan, komunidad, industriya at simpleng mamamayan upang makakuha ng maagang babala at makagawa ng naaayong desisyon sa panahon ng natural na kalamidad.

"Sa ilalim po ng Project NOAH, mapapabuti at mapagsasama-sama na natin ang lahat ng akma at napapanahong impormasyong kailangan sa kalamidad. Ang lahat po ng ito, magbibigay-lakas sa operasyon ng ating mga ahensiya tuwing nagbabadya ang malakas na ulan at pagbaha. Ngayon po, wala nang kanya-kanya, at pinagsanib-pwersa at pinag-isa na ang ating mga inisyatiba para mapaghandaan ang sakuna," anang Pangulo. (RJB/JCP-PIA NCR)
Tags:   [ P-Noy ][ Aquino ][ DOST ][ Project NOAH ][ Kalamidad ]
Number of Comments: 0
Say something...
Name:
Email:
Website:
Comment:
Transparency Seal   Hatol ng Bayan 2013 Logo
Bayani Challenge Logo   Canon Imagenation Logo
free counters