By Oliver T. Baccay
Friday 2nd of March 2012IGUIG, Cagayan, March 2 (PIA) -- Ngayon pa lamang ay lubos na ang isinasagawang paghahanda ng mga opisyal ng bayan ng Iguig sa nakatakdang pagsasagawa ng healing mass sa may Calvary Hills sa Poblacion sa bayang ito sa Marso 20.
Ayon kay Punong Bayan Juditas Trinidad inaasahang dalawampung libong katao ang bibisita sa kanilang bayan upang makilahok sa nasabing healing mass na isasagawa ni Fr. Fernando Suariez, ang kilalang paring nanggagamot.
Aniya ang misa ay isasagawa alas-tres ng hapon at pagkatapos nito ay isasagawa na ang aktwal na panggagamot sa mismong lugar kung saan nakatayo ang gataong laki ng stations of the croos sa Calvary Hills.
“Inaanunsiyo namin ito upang ipaabot sa lahat ng mga may-sakit o sa mga nais sumailalim sa healing mass sa buong rehiyon ang aktibidad. Ito palamang ang kanuna-unahang healing mass na isasagawa sa rehiyon kayat samantalahin natin ang pagkakataon,” pahayag ni Trinidad.
Ipinaliwanang ni Trinidad na lahat ng klase ng sakit na nais ipagamot, maging ang mga hindi nagkaka-anak, ay maaring sumailalim sa nasabing healing mass.
Ang Iguig ay tinaguriang “Holy Land of the North” dahil sa Calvary Hills at pottery center dahil ang pangunahing pinagkakakitaan ng mga mamayan ay ang paggawa ng banga.
Sa seguridad naman, hiniling ng alkalde sa pulisya ang sapat na pwersa para bantayan at siguruhing ligtas at maayos ang lugar na pagdarausan ng misa ng panggagamot.
Sa ngayon ay abala ang bayan sa paglalagay ng dagdag na pasilidad sa nasabing lugar kabilang na ang pagpapatayo ng dagdag na palikuran, silungan, at iba pang pasilidad. (TCB/OTB-PIA 2)