By Oliver T. Baccay
Monday 5th of March 2012TUGUEGARAO CITY, Marso 5 (PIA) -- Upang tulungang mabawasan ang gastusin ng mga aplikante na mangingibang bansa dahil sa pagseseminar sa malayong lugar, isasagawa na ang predeparture orientation seminar (PDOS) sa tanggapan ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) sa Rehiyon 2.
Ayon kay Elizardo Narag, labor communications officer, kadalasang isinasagawa ang PDOS sa Maynila kung saan lubhang mabigat para sa mga mangingibang bansa dahil na rin sa layo ng biyahe at sa gagastusin nila habang sila ay sumasailalim sa oryentasyon kaya napag-isipan ng OWWA na gawin na lamang ang pagsasanay sa rehiyon partikular sa lungsod na ito.
Inihayag ni Narag na ang PDOS ay lubhang mahalaga dahil ito ang pagkakataon na mabigyan ng edukasyon ang mga aplikante sa ibang bansa kaugnay ng mga trabahong kanilang susuungin, mga batas, regulasyon, kultura at kung papaano makitungo sa mga taong kanilang makakasalamuha sa mga bansang kanilang pupuntahan.
“Ang PDOS ay hindi dapat ipagwalang-bahala dahil ito ay paghahanda sa mga mangingibang bansa sa lahat ng mga maaring madatnan nila sa bansang kanilang pupuntahan. Ito ang pagkakataon na matutunan nila ang mga dapat gawin at hindi dapat gawin pra maiwasan ang aberya kapag nandoon na sila,” pahayag ni Narag.
Aniya, handa na ang kanilang ahensiya para sa nasabing pagsasanay at tiniyak din nilang ang kalidad ng PDOS na ibinibigay sa Maynila ay kapantay ng isasagawa sa rehiyon. Ito rin ay bentahe sa OWWA dahil mabubusisi nila ng maigi ang lahat ng mga dokumentong isusumite ng mga aplikante upang masigurong dokumentado ang mga ito kapag sila ay nasa ibayong dagat na.
Sa ngayon ay nakikipag-ugnayan na ang OWWA sa mga lokal na pamahalaan at ahensiyang nagre-recruit upang ipagbigay alam na maari na silang sumailalim ng PDOS sa lungsod ng Tuguegarao. (TCB/OTB-PIA 2)