Tagalog News: SN Aboitiz nagbigay ng P1.2-M sa Nueva Vizcaya

By Benjamin Moses M. Ebreo

Saturday 3rd of March 2012

 BAYOMBONG, Nueva Vizcaya, March 3 (PIA) -- Nagbigay kamakailan ng P1.2 million ang SN Aboitiz Power-Magat (SNAP-Magat) sa lalawigan bilang tulong upang maisulong ang local na turismo sa Nueva Vizcaya.

 

Ang pondo ay ipinagkaloob sa pamamagitan ng pagpirmang mga opisyal ng local na pamahalaan at nang SNAP-Magat sa isang kasunduan na naglalayong mapanatili ang turismo at kasaganaan ng kapaligiran sa lalawigan.

 

Ayon kay Engineer Wilhemino Ferrer, SNAP-Magat branch manager, ang nasabing pondo ay galling sa kanilang Corporate Social Responsibility Fund na ibinibigay sa mga probinsiya at lungsod na sinasakop at pinangangasiwaan nilang Magat Dam Hydropower Plant sa pagitan ng Ramon, Isabela at Alfonso Lista, Ifugao.

 

Dagdag pa ni Ferrer na ang pondo ang gagamitin sa pagpapatayo ng karagdagang 2 souvenir huts sa harap ng Lower Magat Eco-Tourism Park (LMETP) sa barangay San Luis sa bayan ng Diadi upang magsilbing tindahan ng mga produkto ng lalawigan para sa mga local at internasyonal na turista.

 

Sinabi naman ni Governor Luisa Cuaresma na malaking tulong ang ibinigay ng SNAP-Magat sa lalawigan dahil plano na nilang buksan ang LMETP upang maipakita ang nilalaman nito sa publiko.

 

Nagpasalamat pa si Cuaresma sa mga opisyal ng SNAP-Magat dahil sa patuloy nitong pagbibigay tulong sa lalawigan upang mapayabong ang turismo, kapaligiran at maitaas ang antas ng kabuhayan ng mga mamamayan.

 

Ipinangako pa ng gubernadora na pupunta sa tamang proyekto ang pondong ibinigay ng SNAP-Magat at makakaasa umano ang mga opisyal nito na walang masasayang na sentimo nito.

 

Ang LMETP ay isa sa mga tourist attractions ng Nueva Vizcaya maliban sa Capissaan Cave systems sa Malabing Valley sa bayan ng Kasibu. (TCB/BME-PIA 2 Nueva Vizcaya)

Tags:  
Number of Comments: 0
Say something...
Name:
Email:
Website:
Comment:
Transparency Seal   Hatol ng Bayan 2013 Logo
Bayani Challenge Logo   Canon Imagenation Logo
free counters