Tagalog news: Fun Shoot para sa mga gun owners, idadaos sa Nueva Vizcaya
BAYOMBONG, Nueva Vizcaya, Hulyo 5 (PIA) -- Magdaraos ng isang fun shoot para sa mga gun enthusiasts/shooters o manunudla ang Sambisig Gun Club dito upang makalikom ng pondo at maitaas ang antas ng isport sa panunudla.
Ang nasabing kompetisyon sa panunudla ay idaraos sa July 14 sa Batara Firing Range sa Barangay La Torre sa bayang ito kung saan si Vice Governor Jose Gambito ang sponsor ng proyekto.
Ang fun shoot ay kinabibilangan ng limang kurso ng panunudla kung saan mahigit 114 na bala ang kakailanganin upang matapos ang nasabing kompetisyon.
“Layunin din ng proyektong ito ang mapalapit sa isa’t isa ang mga miyembro ng gun club sa lalawigan upang maging isang sektor na katulong ng lokal na pamahalaan sa pag-unlad. Isa rin itong paraan upang maturuan ng tamang pangangalaga at panunudla ang mga gun owners,” paliwanag ni Gambito.
Natutuwa si Gambito dahil dumarami ang mga nahuhumaling sa isport ng panunudla sa lalawigan kung saan tumataas ang antas, ligtas na paghawak at responsibilidad sa tamang paggamit ng mga baril.
Ayon pa sa bise gobernador, isa ring shooting competition ang ilulunsad ng Provincial Police Office sa pamumuno ni Police Sr. Supt. Valfrie Tabian sa July 27 hanggang 29 sa Sambisig Gun Club Firing Range.
Ang nasabing kompetisyon sa panunudla ay level 2 na nasa pagtataguyod ng Philippine Practical Shooting Association.
Ang idaraos na isport sa panunudla sa July 14 ay magandang preparasyon para sa darating na mas mataas na estado ng kompetisyon sa panunudla ng PNP, dagdag ni Gambito. (TCB/BME-PIA 2, Nueva Vizcaya)
Number of Comments: 0