Tagalog news: Kampanya kontra malnutrisyon sa Nueva Vizcaya, pinaigting
BAYOMBONG, Nueva Vizcaya, July 8 (PIA) -- Pinapalakas ngayon ng iba’t ibang sangay ng pamahalaang local at nasyonal ang kampanya nitong mapababa ang insidente at kaso ng malnutrisyon sa lalawigan.
Ayon kay Luzviminda Ragpa, Provincial Nutrition Action officer(PNAO), maglulunsad sila ng iba’t ibang programa ngayong buwan ng nutrisyon upang ipabatid ang walang humpay na kampanya sa tama at wastong nutrisyon lalo na sa mga bata at mag-aaral upang maiwasan ang mga sakit na maaaring idulot ng malnutrisyon.
Sa barangay Magsaysay sa bayang ito, nagpamudmod ng libreng vegetable seeds ang mga miyembro ng Provincial Nutrition Committee(PNC) sa mahigit na 200 pamilya upang maitanim ito sa kanilang bakuran at gamitin sa pagkain.
Plano din ng PNC na ilunsad ang nasabing programa sa bayan ng Kasibu upang mabigyan ng tulong sa pagpapanatili ng wastong nutrisyon ang mga mamamayan doon.
Ayon pa kay Ragpa, tinututukan na ng mga Barangay Nutrition Scholars ang pagbibigay solusyon upang maibaba at matigil ang mga kaso at insidente ng malnutrisyon sa kanilang komunidad.
Kabilang dito ang tuloy-tuloy na pagbibigay ng feeding programs at pagsasailalim ng mga bata sa pagtitimbang, dagdag pa ni Ragpa.
Bumili na rin ng mga height boards ang provincial government at ipinamudmod na ito sa mga 276 na barangay upang gamitin sa pagmomonitor sa paglaki ng mga bata.
“Ilan lamang ito sa ipinapatupad na programa at proyekto ng provincial government, katuwang ang mga ahensiya ng pamahalaang nasyonal upang malabanan ang malnutrisyon sa lalawigan,” paliwanag ni Ragpa.(BME-PIA 2, Nueva Vizcaya)
Number of Comments: 0