Tagalog News: Stakeholders hinikayat ni Legarda na gawing disaster-resilient ang Gitnang Luzon
CLARK FREEPORT, Hunyo 8 (PIA) -- Hinikayat ni Senador Loren Legarda ang iba’t ibang stakeholders sa Gitnang Luzon na magtatag ng mga disaster-resilient communities sa rehiyon sa pamamagitan ng pagtutulungan sa pangangasiwa ng Pampanga River Basin.
Sa kanyang talumpati sa idinaos na Collaboration Workshop on Climate Change Adaptation and Disaster Risk Reduction sa Clark Freeport kahapon, iginiit ni Legarda na kinakailangang mapabuti ang pangangasiwa at mapaigting ang pagtutulungan para sa nabanggit na river basin pagkat ang buong Gitnang Luzon at mga karatig lalawigan nito sa Rehiyon Uno at Dos ay lubusang maapektuhan ng mga panganib na tatama dito na siyang magdudulot ng perwisyo sa buhay at hanap-buhay ng napakaraming Pilipino at masamang epekto sa ekonomiya ng bansa.
Ang Rehiyon Tres aniya ay nanatiling top producer ng bigas sa bansa kung saan nakapagtala ito ng kabuuang produksyon na 2.6 milyon metriko tonelada noong nakaraang taon habang sa Pampanga River Basin nagmumula sa 90 porsiyento ng domestic water needs ng Metro Manila kaya naman malaking pagkawala ang maidudulot nito sakaling tamaan ito ng delubyo.
Isang patunay nito ang P8.6 bilyong kabuuang pinsalang idinulot ng mga bagyong Pedring at Quiel noong 2011 sa Pampanga, Bulacan at Nueva Ecija kung saan hindi bababa sa 281,754 ektaryang palayan ang napuruhan ng matinding pagbaha.
Sinabi pa ni Legarda na dapat nating itanim sa ating mga isipan na water adaptation ang siyang susi sa climate change adaptation.
Ibig sabihin, mababawasan ang pinsalang idudulot ng mga bagyo at matinding pag-ulan kung tuloy-tuloy at walang nakaharang na mga basura at iskuwater sa mga daluyan ng mga river basins.
May 500 opisyal at empleyado mula sa local government units (LGUs) at mga kinatawan ng mga national government agencies, non-government organizations, academe, youth at pribadong sektor ang dumalo sa Collaboration Workshop na co-sponsored ni Legarda, Agencia Española de Cooperación Internacional para el Desarrollo (AECID) at Local Government Academy ng Department of Interior and Local Government (DILG).
Layunin ng isang araw na pagtitipon na pangunahan ang krusada na gawing proactive at cooperative ang tugon ng mga lokal na pamahalaan sa mga kalamidad mula sa kasalukuyang reactionary at uncoordinated.
Ang shift na ito ay nakabase sa katotohanang walang pinipiling geographical at territorial boundaries ang mga kalimidad at epekto ng nagbabagong klima kaya kinakailangan aniyang magtulungan ang mga magkakapitbahay na LGUs.
Ang workshop ay makakatulong din sa panukala ni Senador Legarda na Philippine River Basin System Administration Act of 2012.
Kabilang sa mga paksang tinalakay ang Harmonizing initiatives towards Disaster Risk Reduction and Climate Change Adaptation Mainstreaming in local governance, Creating a Common Action: The Pampanga River Basin situationer, Alliance building for LGUs, Building Ownership: The Pampanga Basin Master Plan, Mobilizing Networks and Building Alliances towards a Pro-Active River Basin, River Basin initiatives at Defining the Roadmap for the River Basins: The Way Forward. (WLB/CLJD-PIA 3)
Number of Comments: 0