Tagalog News: Kalihim ng Turismo kinilala ang historical value ng Pamintuan Mansion

By Carlo Lorenzo J. Datu

Thursday 14th of June 2012
LUNGSOD NG ANGELES, Pampanga, Hunyo 14 (PIA) -- Kinilala nitong Martes ng kalihim ng Department of Tourism (DOT) ang historical value ng Pamintuan Mansion sa lungsod ng Angeles na nagkaroon ng malaking kontribusyon aniya sa pagyabong ng unang republika ng Pilipinas.

Sa isang panayam, sinabi ni DOT Secretary Ramon Jimenez na hindi matatawaran ang ambag ng Pamintuan Mansion sa kasaysayan sapagkat dito idinaos ang pagdiriwang ng unang anibersaryo ng kasarinlan ng bansa noong 1899 at minsan itong naging punong tanggapan ng administrasyon ni Pangulong Emilio Aguinaldo.

Inilahad ng kalihim na nakikipagtulungan na ang kanyang kagawaran sa pamahalaang lokal ng Angeles na ipakilala sa buong bansa at buong mundo ang Pamintuan dahil marapat na makita ng mga turista ang kagandahan at pahalagahan ang kontribusyon nito.

Si Jimenez ang nagsilbing panauhing pandangal sa ika-114 na pagdiriwang ng Araw ng Kalayaan sa Pamintuan na isa sa siyam na main venues ng idinaos na sabayang pagtaas ng watawat at pag-aalay ng bulaklak ngayong taon.

Ang walong iba pa ay ang Barasoain Church sa lungsod ng Malolos, Bulacan; Rizal National Monument sa Maynila, Aguinaldo Shrine sa Kawit, Cavite; Pinaglabanan Shrine sa lungsod ng San Juan; Bonifacio Monument sa lungsod ng Caloocan; Mausoleo de los Veteranos de la Revolucion sa Manila North Cemetery; lungsod ng Cebu; at lungsod ng Davao.

Itinayo noong 1890, ang Pamintuan Mansion ang regalo sa kasal ni Don Mariano Pamintuan sa kanyang anak na si Florentino.

Dito naganap ang tanging pampublikong selebrasyon ng Araw ng Kalayaan sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Aguinaldo matapos ilipat ng heneral ang kabisera ng kanyang pamahalaan sa Angeles.

Naging punong tanggapan din ito ng Amerikanong Heneral na si Arthur MacArthur noong 1901, base ng mga Japanese Kamikaze pilots noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig at tanggapan ng Bangko Sentral ng Pilipinas mula 1988 hanggang 2010.

Sa ngayon, ito ay nasa ilalim na ng pangangasiwa ng National Historical Commission of the Philippines. (WLB/CLJD-PIA3)
Tags:  
Number of Comments: 0
Say something...
Name:
Email:
Website:
Comment:
Transparency Seal   Hatol ng Bayan 2013 Logo
Bayani Challenge Logo   Canon Imagenation Logo
free counters