Tagalog news: Bilang ng mga kaso ng dengue mas mataas ng 3.89 porsyento kumpara noong nakaraang taon

By Carlo Lorenzo J. Datu

Monday 18th of June 2012
LUNGSOD NG SAN FERNANDO, Pampanga, Hunyo 18 (PIA) -- Tumaas ng 3.89 porsyento ang mga naitalang kaso ng dengue sa buong bansa mula Enero hanggang ika-dalawa ng Hunyo ngayong taon kumpara sa kahalintulad na panahon noong nakaraang taon.

Inilahad ni Health Secretary Enrique Ona sa isang press conference sa Pampanga nitong Biyernes na nasa kabuaang 32,193 ang mga naiulat na kaso ngayon kung saan Metro Manila ang nakapagtala ng pinakamataas na umabot sa 7,670 kasunod ang Gitnang Luzon-5,552 at CALABARZON- 4,508.

Sa Gitnang Luzon, Nueva Ecija ang may pinakamaraming kaso na pumalo sa 1,356 kasunod ang Bulacan-1,261 at Pampanga- 899.

Dagdag pa ni Ona na nakapagtala ang Public Health Surveillance and Informatics Division ng kanilang National Epidemiology Center ng 195 fatalities kung saan Metro Manila ang nanguna sa listahan na may 43.

Umabot sa 10 ang bilang ng mga namatay dahil sa dengue sa Rehiyon III sa nabanggit na panahon kung saan lima rito ay mula sa Nueva Ecija, dalawa sa Pampanga at tig-isa mula sa Bataan, Bulacan at Tarlac.

At ngayong patuloy na lumolobo ang bilang ng mga kaso, hinihimok ni Ona ang publiko na magsagawa ng mga clean-up drive sa kani-kanilang mga komunidad at puksain lahat ng posibleng maging mga breeding sites ng mga lamok tulad ng mga lumang gulong, bote, lata, at baradong alulod.

Iginiit ni Ona ang importansya ng paglilinis hindi lamang ng mga tahanan at paaralan kundi iba pang lugar tulad ng simbahan at palengke at maging ng mga kalye at playground dahil hindi malalaman kung saan maaaring makagat ng lamok na may dalang dengue kaya importanteng maging malinis ang buong paligid.

Ang dengue ay isang sakit na nakukuha sa kagat ng lamok na tinatawag na Aedes aegypti.

Karaniwang sintomas nito ang mataas na lagnat, matinding pananakit ng ulo, pananakit ng katawan at kasukasuan, pagsusuka, pananakit ng mata, at mapupulang butlig sa balat. (WLB/CLJD-PIA 3)
Tags:  
Number of Comments: 0
Say something...
Name:
Email:
Website:
Comment:
Transparency Seal   Hatol ng Bayan 2013 Logo
Bayani Challenge Logo   Canon Imagenation Logo
free counters