Tagalog news: Kaso ng dengue sa Gitnang Luzon tumaas ng 12% kumpara noong nakaraang taon

By Carlo Lorenzo J. Datu

Wednesday 4th of July 2012
LUNGSOD NG SAN FERNANDO, Pampanga, Hulyo 3 (PIA) -- Tumaas ng 12 porsyento ang mga naitalang kaso ng dengue sa Gitnang Luzon mula Enero hanggang ika-30 ng Hunyo ngayong taon kumpara sa kaparehong panahon noong nakaraang taon.

Inilahad ni Jesse Fantone, hepe ng Regional Epidemiology and Surveillance Unit ng Department of Health-Center for Health Development-3 (DOH-CHD-3), na pumangalawa ang Gitnang Luzon na may 6,241 na kaso ng dengue sa Metro Manila sa may pinakamaraming naitalang kaso sa buong kapuluan na umabot sa halos 8,000.

Sa pitong lalawigan, Nueva Ecija ang may pinakamaraming kaso na pumalo sa 1,785; kasunod ang Bulacan, 1,745; Pampanga, 1,167; Bataan, 677 kaso; Tarlac, 488 kaso; Zambales, 348; at Aurora, 31.

Dagdag pa ni Fantone na umabot sa 11 ang namatay dahil sa dengue sa rehiyon sa nabanggit na panahon. Lima rito ay mula sa Nueva Ecija, tatlo sa Pampanga at tig-isa mula sa Bataan, Bulacan, at Tarlac.

Hinimok ng DOH-CHD-3 ang publiko na linisin ang kani-kanilang mga komunidad at tanggalin ang lahat ng posibleng pangitlugan ng mga lamok tulad ng mga lumang gulong, bote, lata at baradong alulod.

Iginiit ng ahensya ang importansya ng paglilinis hindi lamang ng mga tahanan at paaralan kundi iba pang lugar tulad ng mga simbahan at mga palengke, pati na rin ang mga kalye at palaruan dahil hindi matitiyak kung saan maaaring makagat ng lamok na may dalang dengue kaya importanteng malinis ang buong paligid.

Ang dengue ay isang sakit na nakukuha sa kagat ng lamok na tinatawag na Aedes aegypti. Ang lamok na ito aktibo tuwing araw. Karaniwang sintomas ng dengue ang pagkakaroon ng mataas na lagnat, matinding pananakit ng ulo, pananakit ng katawan at kasukasuan, pagsusuka, pananakit ng mata at mapupulang butlig sa balat. (WLB/CLJD-PIA3)



Tags:  
Number of Comments: 0
Say something...
Name:
Email:
Website:
Comment:
Transparency Seal   Hatol ng Bayan 2013 Logo
Bayani Challenge Logo   Canon Imagenation Logo
free counters