Tagalog news: Tangkang panggugulo ng rebelde, napigilan dahil sa impormasyong galing sa mamamayan
CAMP AQUINO, Tarlac, Hulyo 4 (PIA) -- Naagapan ang ginawang pangongotong at tangkang paghahasik ng kaguluhan ng isang lokal na rebeldeng grupo sa Nueva Vizcaya at Zambales dahil sa impormasyong galing sa mga mamamayan nito.
Malaki ang naging tulong ng impormasyon galing sa mga mamamayan sa Internal Peace and Security Plan (IPSP) “Bayanihan” ng Sandatahang Lakas ng Pilipinas upang makamtan ang kapayapaan at kaunlaran sa bansa.
Ayon kay Northern Luzon Command (Nolcom) First Civil Relations Group Commander LTC Rosalio Pompa, ang mabilis na pag-aksyon ng mga awtoridad sa natanggap na impormasyon galing sa “sumbong at text” ng mga mamamayan ay nagresulta sa isang engkwentro sa bisinidad ng Barangay Talbek, Dupax Del Sur, Nueva Vizcaya nito lamang Biyernes, ika-29 ng Hunyo sa pagitan ng mga elemento ng Bravo Company, 81st Infantry Battalion, Philippine Army sa pangunguna ni Lieutenant Advincula at mga tinatayang 10 miyembro ng lokal na rebeldeng grupo.
Walang naiulat na nasawi o nasugatan sa magkabilang panig. Samantala, narekober ng mga tropa ng pamahalaan sa pinangyarihan ng engkwentro ang isang M16, isang M14, binoculars at mga dokumento na may “high intelligence value.”
Kinabukasan, ika-30 ng Hunyo, isang engkwentro rin ang naitala na tumagal ng 20 minuto sa pagitan ng mga tropa ng 24th Infantry Battalion, Philippine Army sa ilalim ni first Lieutenant Alfie Alonzo at second Lieutenant Ivan Joven at humigit kumulang 12 rebelde.
Walang naiulat na nasawi o nasugatan sa panig ng pamahalaan samantalang dalawa ang nasawi sa mga rebelde. Bukod dito, apat ang naiulat na naaresto kabilang ang isang sugatan na miyembro ng lokal na rebeldeng grupo.
Nasamsam ng mga tropa ng pamahalaan sa pinangyarihan ng engkuwentro ang dalawang M14, dalawang M16, isang homemade shotgun, isang hand grenade, isang rifle grenade, isang Motorola charger na may battery, mga bandoleers na may bala ng M14 at M16, dalawang backpack na naglalaman ng mga personal na kagamitan ng mga rebelde, isang sakong bigas, limang kahon ng mga suplay ng pagkain, at mga dokumento na may high intelligence value.
Kaagad namang nagtungo ang Battalion Commander ng 24th Infantry Battalion, Philippine Army na si Lieutenant Colonel Michael G. Samson kasama ang mga kasapi ng Philippine National Police (PNP) Botolan na pinangunahan ni PSInsp. Joan Sibayan sa pinangyarihan ng engkwentro upang matugunan ang kinakailangang aksyon.
Kaagad ring binigyan ng paunang lunas ang mga nasugatang rebelde samatalang ang ibang naaresto ay ipapadala sa pulisya para sa kaukulang aksyon.
Dagdag pa ni Pompa na tunay na mahalaga ang pagbabayanihan sa isang komunidad upang masugpo ang anumang banta sa kriminalidad o rebelyon tulad ng mga naturang pangyayari.
"Lahat ay nag-aasam na makamtan ang pangmatagalang kapayapaan at kaunlaran sa ating bansa. Sana naman ay maging tapat din ang hanay ng grupong Communist Party of the Philippines-New People’s Army sa alok ng pamahalaan na usaping pangkapayapaan," sabi ni Pompa.
Kaya naman kinakailangan ang suporta ng bawat sektor ng ating lipunan sa IPSP “Bayanihan” ng Sandatahang Lakas ng Pilipinas upang makamtan ang kapayapaan at kaunlaran sa ating bansa. (CLJD with reports from NOLCOM-AFP)
Number of Comments: 0