Tagalog news: FUTBULakenyos, kampeon sa Central Luzon Football League
LUNGSOD NG MALOLOS, Bulacan, Agosto 2 (PIA) -– Tinanghal na kauna-unahang kampeon ang koponan ng FUTBULakenyos sa unang edisyon ng Central Luzon Football League (CLFL) matapos manaig sa lahat ng koponang sumali sa nasabing torneo.
Naiuwi ng koponan mula sa lalawigan ang tropeong Sinukuan, ang “perpetual trophy” ng liga na muling paglalabanan sa mga susunod na palaro.
Pormal na tinaggap ng FUTBULakenyos ang parangal sa Traders Hotel, Subic Bay Freeport.
Ayon kay FUTBULakenyos coach Emmanuel Robles, sa kabila na kakulangan sa pondo, nanaig pa rin ang koponan ng Bulacan dahil sa pagkakaisa, teamwork at angking galing ng bawat manlalaro.
“Nagpapasalamat ako sa lahat ng nakiisa at tumulong para makuha ang tagumpay na ito,” ani Robles.
Sa pamamagitan ng dalawang round ng liga, nagtala ang koponan ng Bulacan ng anim na sunod na panalo. Unang tinalo ng FUTBULakenyos ang Tarlac Football Club (FC), sumunod ang Lighthouse Amihan FC at Pampanga FC sa unang round. Sa ikalawang round, muling tinalo ng FUTBULakenyos ang tatlong nasabing koponan.
Samantala, pumangalawa naman sa nasabing torneo ang Lighthouse Amihan FC, sumunod ang Tarlac FC at Pampanga FC. (WLB/VFC PIA-3 Bulacan)
Number of Comments: 0