Tagalog news: May kapangyarihang mag-suspindi ng mga klase ang mga LGUs - CHEd
BALER, Aurora, Hunyo 10 (PIA) -- Ang pagsususpinde ng klase sa mga kolehiyo sa mga panahong may bagyo ay nasa desisyon na ng mga paaralan at lokal na pamahalaan, ayon sa Commission on Higher Education (CHED).
Sa isang memorandum order, binigyang-diin ng CHEd na hindi ito maglalabas ng kanselasyon o suspensiyon ng mga klase.
"Classes at the collegiate level, including graduate school, may be cancelled or suspended at the discretion of the local chief executives of local government units and or/heads of Higher Education Institutions (Nasa desisyon na ng mga punong ehekutibo ng mga lokal na pamahalaan o ng pamunuan ng mga HEIs kung magsususpindi ng klase o hindi sa mga kolehiyo, kasama na ang graduate school.)," ayon sa CHED.
Ipinaliwanag rin ng CHEd na ang paghahayag ukol sa kanselasyon ng klase ay dapat gawin ng mga LGUs o HEIs bago mag-ika-4:30 ng umaga sa mga media outlets.
Pinayuhan din ng CHED ang mga paaralan na i-monitor ang mga pahayag mula sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), na makakatulong sa kanilang pagdedesisyon at pagsasagawa ng mga kaukulang hakbang.
Samantala, awtomatikong suspendido ang mga klase sa lahat ng antas kapag itinaas na sa signal no. 3 ng weather bureau ng Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) ang bagyo. (WLB/JSL PIA-3)
Number of Comments: 0