Tagalog news: Pampanga, magtatayo ng blood bank

By Joselito S. Libranda

Thursday 5th of July 2012
BALER, Aurora, Hulyo 5 (PIA) -- Nagbabalak ang Provincial Health Office (PHO) ng Pampanga na magtayo ng isang local blood bank upang matiyak ang sapat na suplay ng dugo.

“If the plan will materialize, the same will be housed in one of the district hospitals in the province (Kung matutuloy ang balak, ilalagay ito sa isa sa mga distritong ospital sa lalawigan),” wika ni provincial health officer Dr. Mar Jaochico.

Sa kasalukuyan, apat na institusyon lamang ang pinapayagan na magkaroon ng blood banks: ang Jose B. Lingad Memorial Medical Center, Angeles University Foundation (AUF) Medical Center, Mother Theresa of Calcutta Medical Center, at Philippine National Red Cross.

Ang pahayag na ito ay ginawa ni Jaochico kasabay sa paghahanda ng Department of Health (DOH) at ng pamahalaang panlalawigan ng Pampanga sa pagdiriwang ng Blood Donor’s Day na gaganapin sa ika-9 ng Hulyo sa Bren Z. Guaio Convention Center sa San Fernando.

Nilalayon ng pagdiriwang ang pagsusulong ng kamalayan sa kahalagahan ng pagbibigay ng dugo.

Kabilang sa mga gawain na nakalinya para sa pagdiriwang ng Blood Donor’s Day ay ang human formation na bubuo sa patak ng dugo, isang “Walk for life” sa paligid ng oval track and field at ang pagpapakawala ng mga pulang lobo.

“We encourage our fellow Capampangans to donate blood. They will not only save life, it will also beneficial to their health (Hinihikayat natin ang ating mga kababayang Capampangan upang magbigay ng dugo. Hindi lamang sila makapagliligtas ng buhay, mabuti rin ito sa kanilang kalusugan)," wika ni Jaochico. (CLJD/JSL-PIA3)


Tags:  
Number of Comments: 0
Say something...
Name:
Email:
Website:
Comment:
Transparency Seal   Hatol ng Bayan 2013 Logo
Bayani Challenge Logo   Canon Imagenation Logo
free counters