Tagalog news: Conditional cash transfer program idinipensa ng Malakanyang
BALER, Aurora, Hulyo 19 (PIA) -- Idinipensa ng Palasyo kahapon, Miyerkules, ang conditional cash transfer program ng pamahalaan, na ang pondong tulong na ibinigay sa mga mahihirap na kasapi ng lipunan ay isang “puhunan sa mga tao.”
Sinabi ni Presidential Spokesperson Edwin Lacierda sa isang news briefing na nagbibigay ang CCT sa mga batang Pilipino ng pagkakataon na makapag-aral at ng pagkakataon sa mga ina na mamuhay ng malusog upang matulungan silang mapangalagaan ang kanilang mga pamilya.
“I don’t see the reason, I don’t see the logic behind the resistance to the CCT other than the fact that it has (been) de-politicized and has taken away patronage politics (Hindi ko makita ang dahilan, hindi ko makita ang katuwiran sa likod ng pagtutol sa CCT sa kabila ng katotohanang ito ay hindi napulitika at inilayo sa pagtangkilik sa politika),” wika ni Lacierda.
“It’s an investment on the people (Ito’y puhunan sa mga tao),” dagdag pa niya.
Ang programang CCT ay nagbibigay sa mga pamilyang Pilipino ng hanggang P1,500 kada isang buwan, sa pangakong ang mga magulang ay patuloy na papapasukin ang kanilang mga anak sa paaralan at ang mga maybahay ay sasailalim sa regular na checkup ng manggagamot.
Sinabi ni Lacierda na pinatunayan ng CCT na tagumpay ito sa Brazil at Mexico at nagpapakita rin ito ng kaparehong antas ng tagumpay sa 79 mula sa 80 lalawigan sa Pilipinas.
“The conditional cash transfer program is in 79 out of 80 provinces, 79 provinces are involved in the CCT program, except for the province of Batanes (Ang programang conditional cash transfer sa 79 mula sa 80 mga lalawigan, 79 na lalawigan ang kasangkot sa programang CCT, maliban sa lalawigan ng Batanes),” banggit pa ni Lacierda. (CLJD/JSL-PIA 3)
Number of Comments: 0