Tagalog news: Programang “green community,” ilulunsad ng CENRO
CALAMBA CITY, Laguna, Hulyo 6 (PIA) -- Nakatakdang ilunsad ng pamahalaang lungsod ngayong buwan sa pangunguna ni Loida Samonte-Humarang, hepe ng city environment and natural resources office (CENRO) ang “Green Community (GreenCom)” program.
Sa ilalim ng GreenCom, pagtutuunan nito ang pagtatatag ng eco centers o buy back centers, pagtatalaga ng lote para sa mga mini-parks, pangangalaga sa mga ilog, pagsasagawa ng compost mula sa mga nabubulok na basura.
Pakikilusin din sa ilalim ng programa ang partisipasyon ng pribadong sektor at ng barangay solid waste management committee upang malunasan ang mga problema sa koleksyon, paghihiwalay at pag-recycle at muling magamit ang basura.
Bilang unang hakbang, nagsagawa ng inspeksyon sa tatlong pilot barangays: Barangay 1, Halang at Canlubang na nilalayong makilala bilang environmental conservation at maipromote ang pangangalaga ng kapaligiran sa may 51 pang mga barangay sa lunsod.
“Layon ng inspeksyon na lalong pang malaman ang pangangailangan sa mga komunidad, mabigyang lunas ang problema at alamin kung saan maaaring magtanim ng mga puno sa lugar na napili ng kapitan ng barangay sa pakikipag-ugnayan sa technical working group ng CENRO,” sabi ni Humarang.
Ipapatupad din sa mga napiling barangay ang mga proyektong tulad ng urban forestry program, air and water quality management program, rivers and creeks rehabilitation program, at natur conservancy program, ayon pa kay Humarang.
“Bilang isang komunidad, mahigpit na makikipagtulungan kami sa sektor ng pagnenegosyo at sa lahat ng iba’t ibang sektor upang malinis ang mga ilog, makapagtanim ng mas marami pang mga puno, mapaghiwa-hiwalay, ma-recycle at magamit muli ang mga basura at labanan ang hamong dulot ng global warming,” sabi pa ni Humarang.
Matapos ang ipatupad ang mga programa sa tatlong pilot barangays, isusunod naman ang siyam pang mga barangay na kinabibilangan ng mga ng Barangay Pansol; Real; Batino; Mayapa; Paciano Rizal; San Cristobal; San Juan; Bukal; at Looc.
Samantala, ang San Juan River group ay binubuo ng iba’t ibang mga kompanya tulad ngCPL Packaging Groups, Nocedos Trading, JCV Enterprises, JOS Circuit Inc., PDY Corp. at Accenture Inc., na ilan sa mga pribadong kompanya na sumusuporta sa greening program ng pamahalaan sa lunsod. (CPG, PIA4A at ulat mula kay Grace Bondad-Nicolas, PIA4A)
Number of Comments: 0