Tagalog news: 8 natatanging DRRMCs sa Quezon pararangalan
LUCENA CITY, Quezon, Hulyo 9 (PIA) -- Pararangalan ng Quezon provincial disaster risk reduction and management council (PDRRMC) ang walong natatanging city/municipal disaster risk reduction management council (C/MDRRMC) sa lalawigan sa Hulyo 16.
Pagkatapos ng flag-raising ceremony sa Perez Park, provincial capitol compound, ang lunsod ng Tayabas at mga bayan ng Pitogo, Tiaong, Mauban, Lucban, General Nakar, Mulanay at Infanta ay pararangalan bilang Best City/Municipal DRRMCs kaugnay ng selebrasyon ng National Disaster Consciousness Month (NDCM) na may temang, “Ligtas na Bayan, Maunlad na Pamayanan.”
Ayon kay Dr. Henry Buzar ng Quezon PDRRMC ang walong nabanggit na City/Municipal DRRMCs ang mga pinaka-aktibo at ang may kagamitan na kinakailangan sa panahon ng kalamidad.
Pararangalan din ang Barangay Pinaglapatan sa Infanta bilang Best Barangay DRRMC at pagkakalooban ng plaque of recognition ang Kabalikat 888.
Inaasahan ang pagdalo sa seremonya nina Vicente F. Tomazar, regional director ng Office of Civil Defense (OCD) 4A at chairman ng regional disaster risk reduction management council (RDRRMC) Calabarzon at Quezon Gov. David C. Suarez na siyang chairman ng DRRMC sa lalawigan.
Magkakaroon ng motorcade paikot sa kabayanan na dadaluhan ng mga miyembro ng PDRRMCs, mga empleyado ng pamahalaang panlalawigan at mga volunteers ng PDRRMC Quezon.
Magkakaroon din ng static display ng mga kagamitan sa pag-rescue sa provincial capitol compound simula alas 9 ng umaga hanggang alas 4 ng hapon sa Hulyo 16. (CPG, PIA4A/Arianne Kate Lansigan, OJT Letran-Calamba/PIA-Quezon)
Number of Comments: 0