Tagalog news: Survey ng mga enterprises sa Phl isasagawa ng NSO
SAN PABLO CITY, Laguna, July 27 (PIA) -- Isasagawa sa kauna-unahang pagkakataon ng National Statistics Office (NSO) ang 2011 Survey of Enterprises in the Philippines (2011 SEP) ayon sa kahilingan ng United Nations Statistics Division upang magkaroon ng international comparability ang Philippine System of National Accounts (PSNA).
Sa pagbabagong ito, kailangang magpatupad ng NSO ng establishment surveys tulad ng 2011 SEP na tutugon sa pagkuha ng tamang pagtataya ng PSNA.
Sinabi ni Magdalena T. Serquena, provincial statistics officer ng NSO-Laguna na magsisimula nang magsanay ang kanyang mga tauhan para dito.
Ang enterprise ang pinakamaliit na legal unit ng negosyo na lumilikha ng produkto o nagbibigay ng serbisyo na siyang nagiging basehan ng alokasyon ng resources. Maaaring ito ay mayroong isa o higit pang uri ng gawain sa isa o higit pang lugar na may iniingatang tala ng gawain o transaksyon sa loob o labas man ng bansa, kabilang na ang financial at balance sheet accounts o networth.
Nagbigay ng tulong pinansyal ang World Bank sa NSO bilang suporta sa pilot SEP na siyang naging daan sa paglutas ng coverage issue at mababang pagkuha ng economic and financial reporting ng mga establisyemento.
Sa pamamagitan ng pagkuha ng parent company, subsidiaries, at branches ng mga establisyemento, mapapag-ibayo ang pagtataya ng economic and financial variables tulad ng bilang ng empleyado, kita, subsidies, gastos, assets, at inventories at iba pang napapanahong larawan ng ekonomiya ng bansa.
Gayundin, ang 2011 SEP ay makakatuklas ng ibat ibang uri ng pangangalakal sa pamamagitan ng pagkuha ng impormasyon sa parent company ng mga sample enterprises na pupuntahan ng mga kawani ng NSO simula sa ika-6 ng Agosto hanggang sa ika-15 ng Oktubre.
Bukod sa mga nabanggit, kailangan ding makuha ang mga sumusunod: Registered business name at address ng enterprise, website, tax identification number (TIN), economic and legal organization, capital participation, uri ng negosyo, taong nagsimula ng business, at business hierarchical structure.
Ayon sa Commonwealth Act 591, lahat ng impormasyong makukuha ng NSO ay strictly confidential at ito ay ilalathala sa pamamagitan ng statistical tables kaya’t hindi dapat mangamba ang mga may ari ng negosyo sa pagbibigay ng impormasyon sa NSO.
Ang sinumang hindi tatanggap ng pormularyo buhat sa NSO o magbibigay ng maling impormasyon ay papatawan ng kaukulang multa. (CPG/ACO-PIA Laguna/NSO-Laguna)
Number of Comments: 0