Tagalog news: 8 bayan sa Batangas, nakatakdang maging ARCCESS area

By Mamerta P. De Castro

Tuesday 5th of June 2012
LIPA CITY, Batangas, Hunyo 5 (PIA) -- Walong bayan sa lalawigan ng Batangas ang isasailalim sa Agrarian Reform Community Connectivity and Economic Support Services (ARCCESS) na isasagawa sa pakikipagtulungan sa Agricultural Credit Cooperative Institute ng University of the Philippines, Los Baños, Laguna.

Ayon kay Provincial Agrarian Reform Officer Felix Kagahastian, kabilang sa mga bayang ito ang Nasugbu, Lian, Balayan, Lobo, San Juan, Tanauan City, Ibaan at Padre Garcia na napili ayon sa kanilang pangangailangan, kakayahang maghawak ng proyekto, malakas na organisasyon at matatag na liderato sa barangay.

Sasailalim sa pagsasanay ang Nasugbu, Lian at Balayan hinggil sa sugarcane block farming; ang mga barangay Matala, Sabang, Balanga, Pangao at Quilo sa Ibaan para sa farm mechanization; ang Quilo-Quilo South, North at Maugat West sa Padre Garcia para sa rice production enhancement; ang Bilog Bilog, Tanauan City para sa off-season vegetable production; ang Brgy. Jaybanga, Apar, Biga at Balibago sa Lobo naman ay coconut productivity enhancement at copra trading at ang Brgy. Laiya sa San Juan ay coconut trading.

Sa pamamagitan ng pagsasanay ay inaasahang mabubuksan ang isip ng mga magsasaka upang lalong pagyamanin ang kanilang lupa at kaalamang ipinagkaloob ng Department of Agrarian Reform (DAR) upang magkaroon ng maayos na pagkikitaan.

Samantala, nagpaabot naman ng maagang pasasalamat ang mga magsasaka sa mga nabanggit na barangay sapagkat mas lalo pang lalawig ang kanilang kaalaman para sa pagpapaganda ng kanilang pamumuhay.

Ang ARCCESS ay isang programa ng DAR hindi lamang para sa agrarian reform community kundi maging sa program beneficiaries development areas. Ito ay binalangkas upang matugunan ang mga pangangailangan ng isang lugar at mapaunlad ang buhay ng mga magsasaka. (CPG/MPDC/Ruel Santos, DAR-Batangas/PIA-Batangas)
Tags:  
Number of Comments: 0
Say something...
Name:
Email:
Website:
Comment:
Transparency Seal   Hatol ng Bayan 2013 Logo
Bayani Challenge Logo   Canon Imagenation Logo
free counters