Tagalog news: Peste sa niyog, tinututukan ng agriculture office ng Batangas
BATANGAS, Hunyo 10 (PIA) --Alinsunod sa tagubilin ni Gov. Vilma Santos Recto, patuloy na nag-iikot ang mga kawani ng Office of the Provincial Agriculturist (OPA) sa mga barangay ng mga bayan at lungsod na apektado ng pesteng scale insects na sumisira sa mga puno ng niyog sa lalawigan.
Kasama ang Philippine Coconut Authority (PCA), sa pangunguna ni Regional Manager Joselito Alcantara, tinungo ng mga kawani ng OPA ang Barangay Bilucao, Malvar, Batangas para sa patuloy na pagtugon sa suliraning banta sa coconut industry.
Sinimulan ang aktibidad sa pamamagitan ng pakikipagpulong at pagbibigay kaalaman sa mga magsasaka sa mga inisyal na solusyon kontra sa pagkalat ng scale insects sa mga niyogan, kabilang ang pagpuputol(pruning) ng mga apektadong dahon at pagsusunog nito upang mapigilan ang paglaganap ng mga insekto sa mga karatig na puno.
Binigyang-diin din ang pag-aabono sa mga coconut trees upang sa loob lang ng halos isang taon ay maka-recover ang mga tinamaang puno. Ayon kay Ms.Sarah Adolfo ng OPA, kung hindi malalagyan ng organic fertilizer ay aabutin ng 2-3 taon bago ito muling makapamunga.
Ayon sa datos, tinatayang umaabot sa 1,700 puno ang apektado ng scale insects sa nasabing barangay. Bagama’t nasa 500 puno ang target ng pruning ng OPA, nanawagan si Adolfo sa mga magsasaka na makipagtulungan sa pagpuputol ng mga apektadong
dahon upang mapuksa ang naturang peste. Magpapatuloy aniya ang ganitong aktibidad ng kanilang tanggapan upang masigurong natutulungan ang mga kababayan nating magsasaka.
Sa pahayag ng PCA, ang mga bayan at lungsod ng ikatlong distrito ng Batangas ang isa sa mga pinanggagalingan ng de-kalidad na niyog na iniluluwas sa iba’t-ibang bansa. Sa kasalukuyan, tinatayang umaabot sa $800 million ang coconut industry sa buong bansa. (Jhun Magnaye-PIO/PIA-Batangas)
Number of Comments: 0