Tagalog news: SM City mall sa Lipa, ginunita ang 114th Araw ng Kalayaan
LUNGSOD NG LIPA, Batangas, Hunyo 13 (PIA) -- Bilang bahagi ng pakikiisa sa ika-114 na taong pagdiriwang ng Araw ng Kalayaan, nagsagawa ang SM City mall sa lungsod na ito ng isang maikling programa kahapon.
Ang naturang programa na may titulong Celebrate Freedom 2012 ay sinimulan sa pamamagitan ng pagtataas ng watawat ng Pilipinas sa saliw ng pambansang awit.
Ito ay dinaluhan ng mga opisyal at empleyado ng SM City mall Lipa, mga miyembro ng Boy Scouts of the Philippines, mga miyembro ng Philippine Air Force, mga kadete ng Air Education Training Command (AETC), security personnel, at mga residente ng tatlong barangay na sumasakop sa naturang mall, ang mga barangay ng Balintawak, Marawoy, at Sabang.
Ayon kay Lisa Dimaculangan, manager ng naturang mall, isa ang pagdiriwang na ito sa mga bagay na dapat ay tuwina'y alalahanin ng mga Pilipino sapagkat ito ang panahon na naipagkaloob sa atin ang kalayaan na ating tinatamasa hanggang sa panahong ito.
Aniya, ang naging paglaban ng ating mga ninuno upang makamtan ang kasarinlan ay lubhang napakahalaga sapagkat marami sa kanila ang kinailangan pang magbuwis ng buhay.
Dagdag pa ni Dimaculangan na dapat ay manatili sa mga Pilipino ang paggawa ng mabuti, pagtahak sa matuwid na daan, paggawa ng tama at maayos, at pamamayani ng kabutihang loob upang mas lalo pang mapag-ibayo ang tunay na kahulugan ng kalayaang ipinagkaloob sa atin.(CPG/MPDC-PIA5 Batangas)
Number of Comments: 0