Tagalog news: Karapatan ng mga PWDs, mas lalong palalakasin

BATANGAS CITY, Hunyo 14 (PIA) -- Higit pang isusulong ng samahan ng mga Persons with Disabilities (PWDs) sa lungsod ang kanilang pagiging produktibong mamayanan ng komunidad at pagpapalawak ng kanilang benepisyo upang maiangat ang kanilang kapakanan.

Ito ang sinabi ng bagong halal na pangulo ng samahan na si Atty. Ben John Maralit, isang polio victim, sa eleksyon ng mga PWDs noong May 31.

Ayon sa kanya, pangunahing layunin ng kanilang grupo na i-mainstream sa komunidad ang mga taong may kapansanan. Hinihikayat din niya na lumabas ang mga ito upang malaman nila ang kanilang mga karapatan at makamit ng mga kaukulang benebisyo.

Bilang paghahanda aniya sa Apolinario Mabini week at sa paggunita ng National Disability Prevention Week sa buwan ng Hulyo, balak nila na magsagawa ng pagpupulong kung saan iimbitahan ang mga pangulo ng mga barangay sa lungsod upang makatulong sa pamamahagi ng impormasyon hinggil sa mga kompetisyon na maaaring lahukan ng mga differently abled persons.

Isusulong din niya aniya na magkaroon ng ID system at diskwento sa mga basic neccessities ang mga PWDs.

Ipinabatid naman ni Mila Espanola, hepe ng City Social Welfare and Development Office, ang pagbubuo ng samahan ng mga PWDs ay bunsod ng pag-amyenda sa Magna Carta for Persons with Disabilities na naglalayong mapangalagaan ang kapakanan at maisiguro ang kaunlaran ng mga taong may kapansanan.

Isinasaad din ng batas na ito na magtalaga ang lokal na pamahalan ng tanggapan para sa mga taong may kapansanan. Ito ay ang PWD Affairs Office na pangangasiwaan ng CSWDO.

Ayon kay Espanola, may humigit kumulang na 2,000 PWDs ang nakatala sa lungsod at binubuo ng mga mentally challenged, hearing impaired, mga bulag at iba pa. Mayroon aniyang tatlong SPED schools sa lungsod na nagtuturo sa mga ito.

Idinagdag pa niya na 50 percent ng one percent ng kabuuang budget ng syudad ang gugugulin para sa mga PWD’s. (Ronna Endaya Contreras, PIO Batangas City)
Tags:  
Number of Comments: 0
Say something...
Name:
Email:
Website:
Comment:
Transparency Seal   Hatol ng Bayan 2013 Logo
Bayani Challenge Logo   Canon Imagenation Logo
free counters