3rd Lomi Festival, tampok sa 65th Foundation anniversary ng lungsod ng Lipa
LIPA CITY, Batangas, Hunyo 16 (PIA) -- Isinagawa ng lokal na pamahalaan ang Lomi Festival bilang bahagi ng patuloy na pagdiriwang sa ika-65 taong anibersaryo ng pagkakatatag ng lungsod na ito na ginanap sa Plaza Independencia noong ika-15 ng Hunyo 2012.
Ang naturang festival ay nasa ikatlong taon na at layong maipakita ang isa sa ipinagmamalaking pagkain ng lungsod, ang lomi, isang uri ng pansit na nilalahukan ng iba't-ibang sahog at sabaw upang maging malasa.
Isa ang lomi sa mga pagkain at produktong dinarayo sa lungsod bukod sa sikat na kapeng barako dito.
Ang pagkakilanlan sa lomi ay nagsimula noong 1968 kung saan ang isang pamilyang Intsik ay nagtayo ng panciteria sa bahaging sakop ng A. Mabini St. Tinangkilik ito ng mga Lipeno at bilang ganti ng pamilya, hindi nila ipinagkait ang pamamaraan ng pagluluto nito bagkus ipinamahagi nila ito upang magkaroon ng hanapbuhay ang mga Lipeno. Ito ang isa sa dahilan kung bakit napakaraming "lomi houses" o lomi-han sa lungsod at maging sa mga karatig bayan nito. Ito rin ang dahilan kung bakit naisipan ng lokal na pamahalaan na isagawa ang lomi festival.
Sa taong ito, may walong mga lomi houses ang nakibahagi sa pagdiriwang at nagpakitang gilas sa iba't-ibang paraan ng pagluluto at pagpepresenta ng lomi kung saan sa bandang huli ay tinanghal na champion ang Liams Lomi House.
Sa mensahe ni Konsehal Avior Rocafort, Vice Chairman ng Executive Committee ng pagdiriwang,layon nito na mabigyan ng suporta ang lokal na pagnenegosyo at establisimiento sa lungsod upang mas matulungan at tangkilikin ang mga produktong Lipeno hindi lamang ng mga mamamayan dito maging ng ibang mga tao. Hangad din niya na mas mapaganda pa ang pagdiriwang nito sa susunod na mga taon.
Bahagi din ng programa ang pagpili ng Lomi King and Queen sa pamamagitan ng pabilisan ng pagkain ng mainit at bagong lutong lomi. (PIA 4A, Batangas)
Number of Comments: 0