Tagalog news: National Disaster Consciousness Month inilunsad ng PNP
BATANGAS CITY, Hulyo 4 (PIA) -- Isinagawa ng Batangas Police Provincial Office ang kick off ceremony na hudyat ng pagsisimula ng National Disaster Consciousness Month noong LUNES sa Camp Miguel Malvar sa lungsod na ito.
Nagsilbing panauhing pandangal sa naturang seremonya si Nerio Ronquillo, hepe ng Provincial Engineering Office (PEO).
Ayon kay Ronquillo, isang inhinyero, isa ang kalamidad sa mga bagay na hindi kayang pigilan ng sinuman ngunit kayang gumawa ng mga pamamaraan upang maiwasan ang masamang epekto nito sa mamamayan at sa komunidad.
Aniya, ang kanilang tanggapan ay isa sa mga nakaalerto sa panahon ng kalamidad tulad ng bagyo at lindol upang magbigay-alalay sa mga naging biktima nito.
Dagdag pa niya na sa panahon ng kalamidad, dapat panatilihing buo ang loob at manaig ang pagtutulungan upang malampasan ang anumang pangyayari na di inaasahan.
Tinapos ang seremonya sa pamamagitan ng pagpapalipad ng iba't ibang kulay ng lobo na kinakatawan ang mga hakbang na pinagdaraan sa panahon ng kalamidad. Layon din nitong gunitain ang mga naging biktima ng sakuna noong nagdaang panahon.
Kinilala rin ang pinakamahuhusay na senior at junior non-commissioned officers sa kanilang mga naibahagi upang mapagbuti ang pagseserbisyo ng mga kapulisan sa lalawigan.
Binigyang pagkilala din ang mga kapulisan mula sa Taal Municipal Police Station sa pagkahuli sa isa sa most wanted person sa lalawigan. (CPG/MPDC-PIA 4A,Batangas)
Number of Comments: 0