Tagalog news: Mga programang pang-kaunlaran tampok sa State of the Province Address

BATANGAS CITY, Hulyo 17 (PIA) -- Isinagawa ang State of the Province Address (SOPA) ni Governor Vilma Santos Recto noong ika-16 ng Hulyo sa Salvador H. Laurel Session Hall sa Provincial Capitol sa lungsod na ito.

Isa sa binigyang-pansin sa naturang SOPA ang mga hakbang at pagpaplano ng pamahalaang panlalawigan sa paggamit ng Community Based Monitoring System (CBMS) upang tukuyin ang pangangailangan ng mga Batangueño.

Dito nabuo ang mga programang may kaugnayan sa HEARTS o kumakatawan sa health, education/employment/environment, agriculture, roads/infrastructures, tourism at security na naging basehan ng pagbibigay ng maayos na paglilingkod sa lalawigan.

Ayon kay Gov. Recto, kalusugan ang isa sa prayoridad ng pamahalaang panlalawigan kung kaya't binigyang-aksyon ang pagsasaayos ng Lemery Provincial Hospital at pitong district hospitals na kinabibilangan ng A.R. Apacible Memorial District Hospital sa bayan ng Nasugbu, Don Manuel Lopez memorial District Hospital sa Balayan, San Jose District Hospital sa bayan ng San Jose, San Juan District Hospital sa bayan ng San Juan, MVM District Hospital sa bayan ng Rosario, Lipa District Hospital sa lungsod ng Lipa, Laurel Memorial District Hospital sa lungsod ng Tanauan.

Sa kasalukuyan, apat na ospital pa ang sumasailalim sa rehabilitasyon kabilang ang Calatagan Medicare Hospital sa bayan ng Calatagan, Martin Marasigan Memorial Hospital sa bayan ng Cuenca, Laurel Municipal Hospital sa bayan ng Laurel at Lobo District Hospital sa bayan ng Lobo.

Kinilala rin ng World Health Organization na malaria-free ang Batangas noong 2010.

Patuloy ang pagsasagawa ng pamahalaang panlalawigan ng medical at dental mission sa iba't ibang bayan, gayundin ang pagkakaloob ng tetanus toxoid immunization sa may 57,756 na mga ina sa buong lalawigan.

Patuloy din ang modernisasyon ng mga kagamitan sa mga ospital tulad ng ECG equipment, pagdaragdag ng hospital beds, x-ray machines at marami pang iba.

Binigyang pansin ang pagbibigay ng kumpletong toilet facility packages sa may 1,000 kabahayan na walang kakayahang bumili nito.

Sa larangan naman ng edukasyon may 99 na paaralan na ang naitayo mula 2007 at ngayong taon may 12 paaralan na may 54 na silid aralan ang kasalukuyang ginagawa.

Dagdag din dito ang patuloy na pamimigay ng mga school supplies sa mga batang papasok sa unang baitang, pagbibigay ng salary subsidy sa may 165 na guro at pagpapatayo pa ng apat na karagdagang day-care centers.

Bukod pa dito ay patuloy ang pagbibigay ng scholarship sa mga mahihirap ngunit karapat dapat na mga mag-aaral na umaabot sa 1,200 kada taon.

Bilang bahagi ng pangangalaga sa kalikasan umabot sa 7,414 ilegal na fish cages ang naalis na sa lawa ng Taal at patuloy ang monitoring dito ng Task Force Taal Lake.

Nakikipagtulungan din ang pamahalaang panlalawigan sa mga Bantay Dagat network upang mapangalagaan ang karagatang nakakasakop ng lalawigan, maging ang pagbibigay proteksyon sa mga kagubatan at bakawan sa lalawigan.

Sa kabuhayan naman, nabigyan ng pagkakataon ang ilang kabataang na maging bahagi ng Special Program for Employment of Students (SPES) gayundin ang livelihood assistance sa pamamagitan ng mga loan.

Upang mapalago ang mga programang pang-agrikultura, patuloy ang farm mechanization programs sa mga farmer beneficiaries gayundin ang agriculture engineering tulad ng Gulayan sa Barangay Project at aquaculture production.

Samantala, mahigit 92 kilometrong provincial road ang naisaayos na at patuloy pa ang ginagawang pagsasaayos.

Upang mapataas ang turismo sa lalawigan, patuloy ang pakikipag-ugnayan ng pamahalaang panlalawigan sa pribadong sektor at pagpapatupad ng tourism development plan at promosyon nito sa ibang mga lugar.

Bahagi naman ng modernisasyon ng mga kapulisan ang pagkakaroon ng karagdagang service motorcycle at car patrols gayundin ng uniporme, handheld radios, investigators’ kit at iba pa.

Sinabi ni Recto na ang lahat ng ito ay naisakatuparan hindi lamang sa pagiging masigasig ng pamahalaang panlalawigan kundi maging sa pakikiisa ng mga taga Batangas.

Aniya, hangad niyang makapaglingkod pa at maituloy ang magagandang proyektong nasimulan sa lalawigan. (CPG/MPDC,PIA Batangas)
Tags:  
Number of Comments: 0
Say something...
Name:
Email:
Website:
Comment:
Transparency Seal   Hatol ng Bayan 2013 Logo
Bayani Challenge Logo   Canon Imagenation Logo
free counters