Tagalog news: Pagsasanay ng mga miyembro ng PNP Modified Scout sinimulan na
BATANGAS CITY, Hulyo 26 (PIA) -- Sinimulan ng Batangas Provincial Police Office (BPPO) ang pagsasanay para sa mga miyembro ng Philippine National Police (PNP) Modified Scout noong ika-24 ng Hulyo sa Camp Miguel Malvar sa Batangas.
Ang pagsasanay ay tatagal ng 45 araw para sa 111 na miyembro nito kabilang ang 93 kalalakihan at 18 kababaihan mula sa iba't ibang istasyon sa BPPO.
Nagsilbing panauhing pandangal si PNP PRO 4A Regional Director James Andres Melad kung saan sinabi nito ang kahalagahan ng pagkakaroon ng ganitong uri ng pagsasanay lalo na at may dalang banta ang New People's Army sa mga lalawigang sakop ng Quezon at Batangas.
Kamakailan lamang ay nagkaroon ng mga armed encounter sa pagitan ng mga militar at NPA sa bahagi ng Quezon at Batangas na nagresulta sa pagkamatay ng 11 miyembro ng NPA at 2 miyembro ng 740th combat group.
Nagbigay babala din si Melad sa lahat ng mga miyembro ng kapulisan na maging maingat at iwasan ang maging bahagi ng anumang kaguluhan o krimen na maaaring maging sanhi ng pagkaalis nila sa serbisyo kapag napatunayang lumabag sila sa batas.
Sinabi naman ni Atty. Rosauro Acio, PNP provincial director, na lahat ng paraan ay sinusubukan ng kanilang pamunuan at patuloy silang nakikipag-ugnayan sa mga mamamayan para sa kapayapaan at kaayusan ng lalawigan. (CPG/MPDC,PIA-Batangas)
Number of Comments: 0