Tagalog news: DTI nagdaos ng workshop para sa mga woodcraft makers sa Quezon
LUCENA CITY, Quezon, Hulyo 16 (PIA) -- Nagdaos ang Department of Trade and Industry (DTI)-Quezon ng isang value chain analysis workshop noong nakaraang Hulyo 10 sa tanggapan nito para sa mga opisyales ng Gumaca Woodcraft Makers and Credit Cooperative kasama ang woodcraft entrepreneurs ng Atimonan.
Sinabi ni Pablito Budoy ng DTI-Quezon na ang value chain analysis ay isang pag-aaral ng proseso ng paggawa ng muwebles at ilang produktong yari sa kahoy.
Sa tulong ni director Marcy Alcantara at Olet Tadiosa ng DTI-Quezon, natukoy ang mga hadlang o sagabal sa marketing ang woodcraft makers.
Ang mga sagabal ay ang mga sumusunod: mataas na gastos sa transportasyon, kakulangan sa teknolohiya, kakulangan sa puhunan, climate change, kakulangan sa kaalaman sa industrial tree planting practices, unskilled workers, at kakulangan sa kaalaman sa disenyo.
Samantala, ang action plan na nagawa para sa 2012 ay magbibigay ng pagsasanay sa mga unskilled workers at paglalagay ng common service facility para sa lahat ng kasapi. Ginawa nila ito dahil nangangailangan ng mataas na uri ng produkto ang Chamber of Furniture Industry of the Philippines, ang grupo na bibili ng kanilang produkto.
Sabi pa ni Budoy, maraming matutulungan ang samahan, katulad ng 34 na woodworking shops na mayroong 102 empleyado, ang 25 na mga magbubuhat ng kahoy, ang 30 katao na kumukuha ng kahoy sa kabundukan, 35 finishers katulad ng mga taga-barnis, walong nursery operators, 10 transport owners na may 20 empleyado, at mga iba pang suppliers sa paggawa ng furniture.
Dagdag pa ni Budoy, “Ang value chain analysis ay isang pag-aaral na tumutulong upang maging tuloy-tuloy ang negosyo ng mga woodcraft maker, magkaroon ng linkage ang industriya at iba pang players, magkaroon ng ugnayan ang public at private sectors, at maging self-reliant ang mga micro at small enterprises.” (CPG/RMO-PIA 4A, Quezon)
Number of Comments: 0