Tagalog news: 8,000 health workers sa Quezon dumalo sa convention
LUCENA CITY, Quezon, Agosto 1 (PIA) -- Mahigit sa 8,000 barangay health workers (BHWs) mula sa iba’t ibang bayan ng Quezon ang dumalo sa Quezon Federation of Barangay Health Workers Convention na ginanap sa Quezon Convention Center sa lungsod na ito noong Hulyo 31.
Layunin ng pagtitipon na kilalanin at pasalamatan ang mga BHWs na patuloy na tumutupad ng kanilang tungkulin sa kani-kanilang barangay sa Quezon.
Pinuri ni Dr. Agripino Tullas, provincial health officer, ang mga BHWs na dumalo at sinabi niyang ang mga ito ang katuwang ng kagawaran ng kalusugan sa pagpapatupad ng mga programang pangkalusugan kagaya ng mga programa sa nutrisyon ng mga bata, paglaban sa mga sakit kagaya ng dengue, at iba pang uri ng sakit.
“Sa tulong ng mga barangay health workers, bumaba din ang maternal mortality rate sa Quezon,” dagdag pa ni Tullas.
Samantala, nagpahayag naman ng suporta si Lucena City Mayor Barbara Ruby Talaga sa mga BHWs sa lungsod ng Lucena. Aniya, ang mga ito ang katuwang sa pagpapatupad ng mga programa laban sa malnutrisyon.
Nagpahayag din ng pagsuporta si Quezon Gob. David Suarez sa mga BHWs at sa mga taga-Quezon partikular sa mga mahihirap na pamilya. Aniya, patuloy na ipinapatupad ng pamahalaang panlalawigan ang Serbisyong Suarez Medical Coupon Program kung saan sa pamamagitan ng medical coupon ay may libreng gamot na matatanggap ang mga pasyente o ang mga nagpakonsulta.
Sinabi ni Suarez na umabot na sa 126,000 katao na mula sa iba’t ibang barangay sa Quezon ang natulungan ng nasabing programa.(CPG,RMO-PIA 4A, Quezon)
Number of Comments: 0