Tagalog news: Apat na bilanggo, pinalaya
CALAPAN CITY, Oriental Mindoro, Hunyo 21 (PIA) -- Apat na bilanggo ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) ang pinalaya kasabay ng pagdiriwang ng ika-114 na selebrasyon ng kalayaan ng bansa noong ika-12 ng Hunyo sa utos ni Calapan City Mayor Doy C. Leachon.
Ang apat ay ikinulong dahil sa paninira ng streetlights sa kahabaan ng J. P. Rizal Street sa barangay San Vicente.
Ang mga nasabing akusado na sina Romnick C. Regala, Raymond H. Macalalad, Jaypee D. Macalalad at John Louie R. Alagasi ay nakakulong sa nabanggit na piitan habang patuloy na nililitis ang kanilang kaso. Ang isa pa nilang kasamahan na si Paul J. Lamagna ay nakapagpiyansa habang si Jopet Delica ay patuloy pa ring pinaghahanap ng kinauukulan.
Ipinag-utos ng alkalde ang pagsumite ng isang "Affidavit of Desistance" upang tuluyan ng mapalaya ang nasabing mga kabataan.
Ayon kay Leachon, ito ang kaniyang simple ngunit makabuluhang paraan ng paggunita sa Araw ng Kalayaan. Naniniwala siya na sa nakalipas na apat na buwan ay may natutunan na ang mga nasabing kabataan sa kanilang nagawang pagkakamali at pamamalagi sa piitan. Umaasa din siya na ang nangyari sa kanila ay magsisilbing aral sa iba upang hindi na sila pamarisan. (MMA/TBO/LTC- PIA 4B)
Number of Comments: 0