Tagalog news: Regional gov’t, convention centers planong itayo sa paliparan ng Calapan
CALAPAN CITY, Oriental Mindoro, Agosto 2 (PIA) -- Nais ng pamahalaang panlalawigan na pag-aralan ang posibilidad ng pagtatayo ng regional government center sa isang bahagi ng Calapan City Airport sa Barangay Suqui.
Ito ang isa sa mga mahahalagang paksang tinalakay ni Gobernador Alfonso V. Umali Jr. sa kaniyang regular na pakikipagpulong sa mga hepe at program implementer sa kapitolyo.
Ani Umali, sinabi sa kaniya ng mga opisyal ng National Economic and Development Authority (NEDA) sa pinakahuling pakikipag-usap niya sa mga ito na kailangan ng 6.8 ektaryang lupa para sa isang palapag ng pagsasamahing regional government offices.
Aniya, isa sa nakikita niyang posibleng lugar para rito ay ang paliparan ng Calapan na ang pondo para sa renobasyon at para sa maayos na operasyon ay hihilingin kay Transportation Secretary Mar Roxas.
Pinatitingnan din ng gobernador sa Provincial Legal Office ang posibilidad na ang pamahalaang panlalawigan ang mangasiwa sa operasyon ng paliparan ng lungsod.
Bukod dito, balak din ni Umali na magpatayo ng convention center sa naturang lugar upang mas mahikayat ang mga panrehiyong tanggapan ng pamahalaang nasyunal na tuluyan nang lumipat sa Calapan City.
Sa bisa ng Executive Order 682 na pinagtibay ng Malacañang noong Nobyembre 22, 2007, ang Calapan City ay itinalagang regional government center ng rehiyon ng Mimaropa.
Sabi ni Umali, kung posible ang mga planong itayo ang mga istruktura sa paliparan ng lungsod ng Calapan, magsisilbi itong one-stop shop para sa mga mamamayang mangangailangan ng mga serbisyo ng iba’t ibang sangay ng pamahalaang nasyunal.
Dagdag niya na napakalaki rin nang maitutulong nito upang mas higit na maisulong ang kaunlaran hindi lamang sa lungsod ng Calapan kundi maging sa buong lalawigan ng Oriental Mindoro. (PIO/LBR/LTC-PIA4B, Oriental Mindoro)
Number of Comments: 0