Tagalog news: Paralegal training ukol sa mga batas na pumuprotekta sa mga menor de edad isasagawa

By Bennie A. Recebido

Tuesday 3rd of July 2012
LUNGSOD NG SORSOGON, Hulyo 3 (PIA) -- Isang pagsasanay sa paralegal ukol sa Republic Act 9231, o batas na tutuldok sa malalang uri ng sapilitang pagpapatrabaho sa mga bata, kasama na ang iba pang mga batas na may kaugnayan sa mga menor de edad, ang gaganapin sa Hulyo 5 at 6 sa Sorsogon City.

Ang pagsasanay ay pangungunahan ng Provincial Council for the Protection of Children (PCPC) at ng dalawang komitiba nito, ang Provincial Early Childhood Care and Development Coordinating Committee (PECCDCC) at ang Sorsogon Provincial Inter-Agency Anti-Child Labor Committee at Sagip Batang Manggagawa Quick Action Team (SPIACLC-SBMQAT).

Ayon kay Sorsogon Governor Raul R. Lee, chairman ng PCPC at SPIACLC-SBMQAT, pangunahing mandato ng PCPC ang pagtugon sa mga usaping may kaugnayan sa mga bata o menor de edad sa pamamagitan ng pagpaplano, paggawa ng mga alituntunin o polisiya at pagbibigay ng tulong teknikal sa pagpapatupad ng mga programa at proyekto para sa kapakanan ng mga bata.

Ang PCPC ang siyang focal inter-agency council ng mga menor de edad sa lalawigan ng Sorsogon.

Ayon pa sa gobernador, pangunahing layunin ng pagsasagawa ng pagsasanay ang maturuan ang mga kalahok ng kaukulang kaalaman ukol sa mga pangunahing batas na magproprotekta sa mga menor de edad at para paigtingin pa ang pagtutulungan sa loob ng konseho at ng mga komitiba nito.

Positibo ang gobernador na aktibong makikilahok ang 39 na mga kasapi ng PCPC ng lalawigan ng Sorsogon dito. (MAL/BAR-PIA Sorsogon)
Tags:  
Number of Comments: 0
Say something...
Name:
Email:
Website:
Comment:
Transparency Seal   Hatol ng Bayan 2013 Logo
Bayani Challenge Logo   Canon Imagenation Logo
free counters