Tagalog news: PDRRMC magsasagawa ng pagpupulong, aktibidad sa obserbasyon ng Nat’l Disaster Consciousness Month ilalahad

By Benilda A. Recebido

Thursday 5th of July 2012
LUNGSOD NG SORSOGON, Hulyo 5 (PIA) -- Gaganapin bukas ang ikalawang pagpupulong ngayong taon ng mga kasapi ng Provincial Disaster Risk Reduction Management Council (PDRRMC) sa Sorsogon City.

Ito ay upang ilahad ang mga aktibidad kaugnay ng obserbasyon ng National Disaster Consciousness Month ngayong Hulyo sa ilalim ng temang “Ligtas na Bayan Maunlad na Pamayanan.”

Si Dante Bonos ng Sorsogon Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (SPDRRMO) ang naatasang magprisinta ng mga napagkasunduang aktibidad kaugnay ng mahalagang aktibidad na ito ngayong buwan.

Matatandaang una nang nagpatawag ng pulong ang SPDRRMO sa pamumuno ni Raden Dimaano sa mga opisyal ng municipal at city DRRM noon pang unang linggo ng Hunyo upang talakayin at balikan ang mga inisyatibang nagawa noong nakaraang taon kaugnay ng pag-obserba ng National Disaster Consciousness Month.

Kabilang na dito ang partisipasyon ng SPDRRMO sa dalawang araw na SMART School Design at Camp Management and Coordination kung saan napiling model barangay ang Balogo sa Sorsogon City at ang paglalagay ng mga safety signage sa palibot ng Mt. Bulusan.

Ayon kay Raden Dimaano ng SPDRRMO, ilang mga aktibidad na rin ang nagawa ng PDRRMC noong nakaraang buwan alinsunod sa sa ipinalabas na Memorandum ng National Disaster Risk Reduction and Management Council NDRRMC na inaatasan ang mga DRRMC na magsagawa ng Information Education Campaign ukol sa lindol at sabay-sabay na pagsasagawa ng 2nd quarter earthquake drill upang mapataas pa ang kamalayan ng publiko at malinang ang kahandaan ng komunidad sa pag-iwas sa mga malalaking panganib sa panahong nagkakaroon ng lindol.

Nakatakda ring ilahad sa mga kasapi ng PDRRMC ang naging resulta ng ginawang Media Practitioner Disaster Risk Reduction-Climate Change Adaptation (DRR-CCA) workshop orientation noong Hunyo 8-9 kung saan ilang mga suhestyon at rekomendasyon ang ibinigay ng lokal na media na lumahok sa aktibidad na makakatulong upang mapaigting pa ang ugnayan ng mga mamamahayag at ng local DRRMC partikular sa pagpapaabot ng mahahalagang impormasyon sa panahong may mga kalamidad. (MAL/BAR-PIA 5, Sorsogon)
Tags:  
Number of Comments: 0
Say something...
Name:
Email:
Website:
Comment:
Transparency Seal   Hatol ng Bayan 2013 Logo
Bayani Challenge Logo   Canon Imagenation Logo
free counters