Tagalog news: CCT makabubuting ituloy sa kabila ng batikos na ipinupukol dito

By Ernesto A. Delgado

Tuesday 26th of June 2012
LUNGSOD NG MASBATE, Hunyo 26 (PIA) -- "Nabibigyang-kapangyarihan ng conditional cast transfer (CCT) ang pinakamahirap na baguhin ang kanilang buhay kaya makabubuting ituloy ang programang ito ni Pangulong Aquino sa kabila ng batikos na ipinupukol dito ng mga kritiko."

Ito ang sagot ni Assistant Regional Director Lex Armenia ng Department of Social Welfare and Development V (DSWD) sa isang media forum nitong Linggo sa mga nanawagang itigil ang CCT dahil umano sa bahagi ng pera nito ay napupunta sa mga hindi tunay na mahirap at nagagamit din umano ng ilang kandidato sa eleksyon upang makuha ang boto ng mamamayan sa pamamagitan ng pag-angkin sa programa.

Ayon kay Armenia, mababaw ang ganitong mga katuwiran upang itigil ang programa.

Kung may scientific study na nagsasabing hindi kaaya-aya ang Pantawid Pamilyang Pilipino Program, siguro maaari nang itigil ang 4Ps. "Pero kung mga comments lang, their arguments will not stand," dagdag pa niya.

Inamin niya na hindi perpekto ang sistema na ginamit sa pagkilala sa mga pinakamahihirap subalit patuloy naman aniyang nililinis ng DSWD ang listahan ng mga benepisaryo.

Gayunpaman, pinuri ni Armenia ang pagkakaroon ng mga batikos dahil bahagi aniya ito ng implementasyon ng CCT at nakakatulong ito upang mapaganda ang programa.

Binigyang diin ni Armenia ang kahalagahan na maipaabot sa publiko ang tamang impormasyon at ang mahigpit na pagbabantay sa implementasyon ng programa.

Sa datos ng DSWD, mahigit 310,000 pamilya ang benepisaryo ng CCT sa Bicol, at mahigit isang kapat o ¼ ng bilang na ito ay nasa lalawigan ng Masbate. (MAL/EAD-PIA5 Masbate)
Tags:  
Number of Comments: 0
Say something...
Name:
Email:
Website:
Comment:
Transparency Seal   Hatol ng Bayan 2013 Logo
Bayani Challenge Logo   Canon Imagenation Logo
free counters