Tagalog news: CamNor makikiisa sa pagdiwang ng Nat'l Childrens Book Week

By Reyjun Villamonte

Friday 6th of July 2012
DAET, Camarines Norte, Hulyo 6 (PIA) -- Makikiisa ang lalawigan ng Camarines Norte sa pagdiriwang ng ika-29 anibersaryo ng National Childrens Book Week mula Hulyo 15 - 21.

Tema ngayong taon ang, “Mapagbasang kabataan tungo sa matuwid na daan,” kung saan pangungunahan ito ng Library Services Division ng pamahalaang panlalawigan.

Isasagawa ang pagpapalabas ng pelikula na gaganapin sa nasabing tanggapan sa ika-17 at 19 ng Hulyo tungkol sa kapaligiran at pabago-bagong panahon na nararanasan natin ngayon.

Kabilang din ang paligsahan sa pagsusulit kaugnay sa mga kasalukuyang nangyayari at mga usapin sa ating bansa na lalahukan ng mga kabataan sa sekondarya mula sa mga pribado at pampublikong paaralan sa lalawigan.

Tatanggap ng P3,000 sa unang puwesto ang mananalo sa pagsusulit; P2,500 sa pangalawa ;at P2,000 sa ikatlong puwesto kalakip ang tropeyo at sertipiko ng pakikilahok samantalang tropeyo at sertipiko naman sa mga mananalong paaralan at mga guro.

Ayon kay administrative assistant Ludovico A. Moya Jr., layunin ng pagdiriwang ang mahikayat ang mga kabataan na maibalik ang hilig nila sa pagbabasa ng mga makabuluhang aklat dahil sa kasalukuyan ay marami silang pinagkakaabalahan at nawawala ang kanilang interes sa pagbabasa ng aklat.

Dagdag pa niya, maraming makukuhang kaalaman ang mga kabataan sa pamamagitan ng pagbabasa ng mga aklat at ito rin ay magagamit nila habang sila ay nag-aaral. (MAL/ROV-PIA 5, Camarines Norte)
Tags:  
Number of Comments: 0
Say something...
Name:
Email:
Website:
Comment:
Transparency Seal   Hatol ng Bayan 2013 Logo
Bayani Challenge Logo   Canon Imagenation Logo
free counters