Tagalog news: Albay Tres Quinali Watershed Project isinusulong
LUNGSOD NG LEGAZPI, Hulyo 20 (PIA) -- Siniguro ni DENR regional executive director Gilbert C. Gonzales ang suporta sa mga programa ng Albay Tres Quinali Watershed Management Council upang matugunan o mabigyang ng solusyon ang problemang dulot ng pagbabaha sa ikatlong distrito ng Albay.
Ayon kay Gonzales, mahalagang mabigyan ng atensiyon ang pangangalaga ng watershed upang maiwasan ang masamang epekto ng kalamidad na maaaring idulot nito at sa kabilang dako ay maggamit o makatulong sa pag-unlad ng ekonomiya sa mga lugar na sakop o malapit dito.
Kailangan din umanong mapag-aralan ang mga programa na isinusulong at ipinatutupad sa ilalim ng proyekto para maging daan sa tunay at pangmatagalang kaunlaran sa lugar, ayon pa kay Gonzales.
Ang “Integrated Ecosystem Management Framework” ang siyang magiging pundasyon o basehan ng pamamahala ng watershed kung saan nakalahad dito ang mga paraan upang maprotektahan ang watershed kasama ang mga lugar na nakasasaklaw nito.
Naniniwala ang DENR, ayon pa kay Gonzales, na magiging maganda at makabuluhan ang proyekto sa larangan ng pangangalaga ng kapaligiran at pag-unlad ng mga pamayanan dito kung maisasagawa ang mga tamang hakbang at mga programa nito.
Ang Albay Tres Quinali Watershed Management Council na sumasakop sa mga bayan ng Libon, Polangui, Oas, Guinobatan, Camalig, at lungsod ng Ligao. (MAL-PIA 5/RLMendones-DENR 5)
Number of Comments: 0