SAN JOSE, Occidental Mindoro (PIA) — Pinakikinabangan na ng 28 Agrarian Reform Beneficiaries (ARBs) ng Sablayan, Occidental Mindoro ang Solar-Powered Irrigation System (SPIS) ng Department of Agrarian Reform (DAR) at National Irrigation Administration (NIA) na nagkakahalaga ng P15 milyon.
Ayon kay Irrigators Development Officer Vivian Dimzon ng National Irrigation Administration (NIA) Occidental Mindoro, ang proyekto ay pinondohan mula sa Comprehensive Agrarian Reform Program (CARP)-Irrigation Component ng DAR.
Layon ng proyekto na patubigan ang mga barangay ng Paetan, Tagumpay, San Francisco at San Vicente (PATASS), sa Sablayan.
Binubuo ng tatlong bahagi ang PATASS Solar Pump Irrigation Project, at unang bahagi nito ay patubig sa 38.9 ektarya sa Brgy Paetan at Tagumpay.
“May walong shallow tube wells ang pinagkukunan ng tubig ng kasalukuyang SPIS at bawat isang balon ay kayang patubigan ang limang ektaryang sakahan,” saad ni Dimzon.
Ayon pa sa kanya, may dati nang irrigation system sa Paetan ngunit may mga lugar na hindi marating ng patubig dahil mataas ang kinalalagyan. Dahil sa SPIS, kasama na ngayong pinapatubigan ang mga sakahan ng mga ARBs na nasa matataas na lugar sa Paetan gayundin sa Tagumpay.
Sinabi rin ni Dimzon na ibinigay na sa Paetan-Tagumpay Sablayan Irrigators Association, Inc. ang pangangalaga sa naitayong SPIS at naghihintay na lamang sila ng pondo para sa ikalawa at ikatlong bahagi ng programa at makinabang na rin ang mga ARBs sa iba pang mga barangay sa Sablayan.
Ang PATASS Solar Pump Irrigation Project ay kabilang sa mga proyektong iniulat ni DAR Regional Director Marvin Bernal sa Kapihan sa Bagong Pilipinas na ginanap noong Hunyo 25 sa Calapan City, Oriental Mindoro (VND/PIA MIMAROPA-Occidental Mindoro)