LUCENA CITY (PIA) — Ipinakilala ni Governor Doktora Helen Tan ang aabot sa 47 iskolar na napabilang sa unang batch ng mga iskolar para sa 1 Family, 1 College Graduate Full Scholarship Program ng pamahalaang panlalawigan ng Quezon.
Ayon sa Quezon Public Information Office, sasagutin ng pamahalaang panlalawigan ang pag-aaral ng mga iskolar kabilang na ang pagbabayad sa tuition fee, board and lodging, book allowance, uniporme at transportation ng mga estudyante.
“Kita ko sa kanilang mga mata ang kasiyahan habang ako’y nakikipagkwentuhan. At alam ko rin na sa likod ng ngiti ay ang mga kwento ng hamon sa buhay at patuloy na pagsusumikap upang maiahon sa kahirapan ang kanilang mga pamilya,” saad ni Governor Tan sa isang Facebook post.
Tiniyak ng gobernador sa mga iskolar na katuwang ang pamahalaang panlalawigan sa pag-abot ng kanilang mga pangarap para sa kanilang pamilya at upang mai-angat ang kanilang buhay dahil sa edukasyon.
Ang nasabing inisyatibo ay bahagi ng HEALING Agenda ni Governor Tan sa ilalim ng programang pang-edukasyon na naglalayong matugunan ang pangangailangan ng pamilyang hindi makapagpaaral sa kolehiyo upang maiangat ang antas ng pamumuhay. (RO/PIA-Quezon)