100 katutubo, benepisyaryo ng unang infoserve caravan sa Mimaropa


Kabilang sa ipinagkaloob na tulong ng Mimaropa Infoserve Caravan ay ang Philsys Birth Assistance Project ng Philippine Statistics Authority. Sa pamamagitan ng programa ay mabibigyan ng birth certificate ang mga katutubong benepisyaryo. Ang mga larawan ay mula sa Commission on Population and Development. (PIA/ OccMdo)

SAN JOSE, Occidental Mindoro (PIA) — Kabuuang 100 katutubong Mangyan sa lalawigan ang tumanggap ng mga kaalaman at serbisyo sa Mimaropa Infoserve Caravan na ginanap kamakailan sa Provincial Evacuation Center, Mamburao sa pangunguna ng Regional Commission on Population and Development (CPD).

Ayon kay CPD Assistant Regional Director Gloren Hinlo, ito ang kauna-unahang information-service caravan sa Rehiyon kung saan lahat ng ahensyang kasapi sa Regional Population and Development Coordinating Council (RPDCC) ay nagsama-sama upang ihatid ang kani-kanilang programa, serbisyo at polisiya sa mga benepisyaryong katutubo mula sa mga bayan ng Abra de Ilog, Sta Cruz, Paluan at Mamburao. Aniya, kasama sa layunin ng Infoserve Caravan ay tiyaking hindi napapabayaan ang mga komunidad sa malalayong lugar lalo na ang marginalized sector.

Kabilang sa mga ipinagkaloob na serbisyo ay ang Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) Membership Program, kung saan maaari nang makinabang sa mga benepisyo ng PhilHealth ang mga bagong miyembrong-katutubo; P3,000 financial aid mula sa Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS) ng Department of Social Welfare and Development (DSWD); libreng gamot at bitamina mula Pampamayanang Mangyan Ugnayan Inc. at National Nutrition Council; at dental, medical service at nutrition counselling mula Provincial Health Office katuwang ang Provincial Department of Health.

Naghatid din ang Philippine Statistics Authority ng kanilang National ID Registration at Birth Registration Assistance Program habang may dala namang food packs ang CPD Mimaropa at Provincial Social Welfare and Development Office (PSWDO). Mga pananim na binhi naman ang ipinagkaloob ng Department of Agriculture, at nagdaos ng consultation assistance ang isang team mula Department of the Interior and Local Government, Human Settlements and Urban Development, Human Settlement and Adjudication Commission at Department of Agrarian Reform.

Ayon kay Hinlo, malaki ang tulong na naibibigay ng pamahalaan sa pagsasama-sama ng iba’t ibang ahensya kaya marapat lamang na gawin din ito sa ibang probinsya. Ang rekomendasyong ito aniya ay tatalakayin sa pulong ng RPDCC kung saan handa ang CPD na tumulong at magbahagi ng kanilang kaalaman. Nilinaw din ng opisyal na maaaring iba namang sektor ang matukoy na benepisyaryo ng mga susunod na Infoserve Caravan. (VND/PIA MIMAROPA – Occidental Mindoro)

In other News
Skip to content