1,000 magniniyog, dumalo sa Coco Summit sa Quezon

LUCENA CITY (PIA) — Mahigit 1,000 magniniyog mula sa iba’t ibang bayan sa lalawigan ng Quezon ang dumalo sa “Coco Summit” sa Quezon Convention Center na bahagi ng Niyogyugan Festival 2023.

Layunin ng nasabing pagtitipon na makapagbigay ng ulat ang iba’t ibang ahensya ng pamahalaan na katuwang sa pagpapatupad ng mga proyekto at programa kaugnay ng Coconut Farmers and Industry Development Plan (CFIDP) matapos itong mailunsad noong nakaraang taon.

Sentro ng talakayan ang pagpapalakas sa produksiyon ng tatlong piling produkto ng niyog tulad ng lambanog, virgin coconut oil at coco sugar na ginagawa na sa ibang bayan.

Ayon kay Quezon Governor Helen Tan na dumalo sa nasabing pagtitipon, malayo na ang narating ng lalawigan  sa aspeto ng pagbuhay at pagpapalawig ng industriya ng pagniniyog.

Ayon pa kay  Tan,  sa unang pagkakataon ay magsasama-sama ang lahat ng oil miller sa buong lalawigan ng Quezon para personal niyang makausap at malaman ang dahilan kung bakit hindi matatag ang presyo ng kopra at ano ang maaaring magawa para matulungan ang mga magkokopra sa lalawigan.

Dito, dito ay iprinisinta ng Southeast Asian Regional Center for Graduate Study and Research in Agriculture (SEARCA) ang Coconut Industry Roadmap para muling buhayin at palawigin ang industriya ng niyog sa lalawigan.

Ayon kay Tan, hindi na mapigilan ang pag-unlad na dumarating sa lalawigan ng Quezon pero siniguro ng gobernador na hindi makokompromiso ang aspeto ng agrikultura sa buong lalawigan kapalit ng development.

Samantala, ibinalita ng gobernadora  na inaasahang bago matapos ang taong ito, 2023 ay mairerehistro na sa Security and Exchange Commission (SEC) ang itatayong Niyogyugan Foundation para sa kapakinabangan ng mga magniniyog sa buong Quezon. (Ruel Orinday-PIA Quezon)

In other News
Skip to content