11 establisyemento sa Puerto Princesa binigyan ng ‘notice of violation’ ng SSS

PUERTO PRINCESA CITY, Palawan (PIA) — Nasa 11 na mga establisyemento sa lungsod ang binigyan ng “notice of violation” ng Social Security System (SSS) Puerto Princesa City Branch sa pamamagitan ng programa nitong Run After Contribution Evaders (RACE).

Ang RACE ay buwanan nang isinasagawa ng SSS upang paalalahanan ang mga may-ari ng mga establisyemento ng kanilang mga obligasyon para sa kaayusan ng kanilang mga empleyado.

Ang RACE para sa buwan ng Hunyo ay isinagawa noong Hunyo 24 sa pangunguna nina SSS Puerto Princesa City Branch Head Abdultalib A. Abirin kasama ang kaniyang ilang mga tauhan.

Sa pag-ikot ng grupo, ipinaliwanag ng mga ito sa mga may-ari ng establisyemento ang kanilang paglabag kaugnay sa Republic Act 11199 at kung papaano nila ito maaayos sa pamamagitan ng mga programang ibinibigay ng ahensya.

Ayon kay Abirin, kalimitan sa mga paglabag ng mga establisyemento ay ang non-remittance, non-registration at non-production.

“Ito namang ginagawa nating pagbibigay ng ‘notice of violation’ ay upang mapaalalahanan natin ang mga employer sa kanilang mga obligasyon tulad ng pagbabayad ng kontribusyon ng kanilang mga tauhan dahil para din naman ito sa magiging benepisyo ng kanilang mga manggagawa,” pahayag ni Abirin.

Binigyan din ang mga establisyementong isinailalim sa RACE ng 15 araw upang ayusin ang kanilang mga pagkukulang sa SSS.

Ayon kay Abirin, ang mga benepisyong mapapakinabangan ng mga manggagawa kung maayos ang kanilang kontribusyon sa SSS ay ang retirement benefits, death benefits, maternity benefits, disability benefits, funeral benefits, sickness benefits at employment benefits. (OCJ/PIA MIMAROPA-Palawan)

In other News
Skip to content