LUNGSOD NG CALAPAN, Oriental Mindoro (PIA) — Inilunsad kamakailan sa Mahalta Resorts and Convention Center ang Calapan City Dive Tourism na naglalayong palakasin ang sektor ng turismo sa Lungsod ng Calapan, partikular ang recreational diving activities sa lungsod.
Ilan lamang sa mga tinalakay sa naturang gawain ay ang mga paksa hinggil sa pagsasanay sa diving, guided experience, at environmental tourism.
Sa ginawang inisyal na pagtatasa ng mga konsernadong indbidwal at organisasyon, natukoy ang 11 na bagong dive sites sa lungsod. Pinamamahayan ang naturang mga dive sites ng mga coral covers at samu’t saring makukulay na isda. Ligtas din ang naturang lugar para sa mga baguhang nag-aaral pa lang ng recreation diving.
Ayon sa ilang mga kilalang mga underwater photographer at at videographer sa bansa, maihahalintulad ang mga natukoy na diving sites sa Verde Island Passage na kinikilala bilang “center of biodiversity”.
Inaasahan na sa pagtukoy ng mga posibleng atraksyon na ito ay makapagdadala ito ng trabaho sa mga mamamayan ng lungsod gayundin, ang pagtulong sa ekonomiya sa lalawigan.
Kabilang naman sa mga dumalo sa naturang gawain ay ang Pamahalaang Lungsod ng Calapan sa pangunguna ni Mayor Marilou Morillo at iba’t-ibang tourism stakeholders sa lalawigan na nagsusulong ng recreational diving activities. (JJGS/PIA MIMAROPA – Oriental Mindoro)
Photo from Calapan City Tourism