LUNGSOD NG CALAPAN, Oriental Mindoro (PIA) – Naging makabuluhan ang talakayan ng una sa dalawang araw na isinagawang Technical Vocational Education and Training (TVET) Forum na binuo ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) Oriental Mindoro kung saan dinaluhan ng nasa 110 kinatawan ng mga nagpapatakbo ng Technical-Vocational Institute (TVI) mula sa iba’t-ibang lugar sa lalawigan na ginanap sa Convention Hall ng Filipiniana Hotel and Resort sa lungsod na ito noong Agosto 31.
Tinalakay sa unang araw ang mga usapin tungkol sa estado ng Unified TVET Program Registration and Accreditation System (UPRAS) na nagtapos na noong Agosto 30, 2023, pati ang pag-rehistro sa Diploma Program at Mobile Training Program.
Samantala, maganda naman ang palitan ng paliwanagan sa pagitan ng mga kinatawan ng TVIs at ni TESDA Senior Technical Education Skills Development Specialist, Reynaldo Hernandez hinggil sa estado ng akreditasyon ng mga assessment center, pagtatalaga ng mandatory assessment, compliance audit of assessment centers, pagsusumite ng assessment report at CCTV recording at implementasyon ng E-Certificate.
Ang nasabing aktibidad ay dinaluhan ng 99 na nagpapatakbo ng mga pribadong TVIs, isang TESDA Training Center sa bayan ng Bansud, isang Provincial Training Center sa San Teodoro at siyam na institusyon na pinangangasiwaan ng mga lokal na pamahalaan na kinabibilangan ng mga may-ari, pangulo at administrador.
Ang nasabing programa ay alinsunod sa TESDA Circular No. 107, Series of 2021 sa ilalim ng Republic Act No. 7796 na nagbibigay kapangyarihan sa TESDA upang makabuo at magkaroon ng sistema sa pagbibigay ng akreditasyon, koordinasyon, pangangalap, monitoring ng pormal at di-pormal na ebalwasyon ng mga programang TVET pati ang TESDA Board Resolution No. 2021-34 na nag-aapruba sa na-amyendahan na Omnibus Guidelines on Program Registration sa ilalim ng Unified TVET Program Registration and Accreditation System (UTPRAS) o ang TESDA Circular No. 07, s. 2016. (DN/PIA Mimaropa-OrMin)