112 mag-aaral sa Marinduque, makikinabang sa SPES program ng DOLE

BOAC, Marinduque (PIA) — Nasa 112 na mga mag-aaral sa probinsya ng Marinduque na kabilang sa benepisyaryo ng programa ng Department of Labor and Employment (DOLE) Special Program for the Employment of Students (SPES) ang dumalo kamakailan sa oryentasyon at pagsasanay.

Ayon kay Chief Administrative Officer Alma Timtiman ng Livelihood Manpower Development (LMD)-Public Employment Service Office (PESO), ang nasabing mga benepisyaryo ay kabilang sa mahigit 400 na aplikanteng sumailalim sa masusing proseso kasama na ang interbyu at pag-tsek ng mga requirements.

Layunin ng programa na magkaroon ng pagkakataon na makapagtrabaho ang mga benepisyaryo sa loob ng 20 araw sa mga barangay at iba’t ibang tanggapan ng gobyerno, kung saan sila ay maaatasang tumulong sa mga kawani ng pamahalaan o kaya ay magsagawa ng survey na magiging daan sa paglikom ng mga datos para sa skills mapping.

Samantala, isinagawa rin ang Orientation for Financial Literacy and Entrepreneurial Mindsetting sa pangunguna ni Florinel Marticio, Negosyo Center Counselor, mula sa Department of Trade and Industry (DTI) Marinduque.

Kasunod nito ay pinangunahan naman ni DOLE Senior Labor and Employment Officer Renell Mayo ang seminar tungkol sa Labor Education.

Inaasahang makatatanggap ang mga benepisyaryo ng P464.95 na sweldo kada araw o tinatayang humigit P9,000 sa pagtatapos ng kanilang tatlong linggong pagtatrabaho. (RAMJR/PIA MIMAROPA – Marinduque)

In other News
Skip to content