LUNGSOD NG PUERTO PRINCESA, Palawan (PIA ) — Pormal na tinanggap ng Pamahalaang Panlungsod ng Puerto Princesa sa pangunguna ni Mayor Lucilo R. Bayron ang nasa 114 na mga pulis na itatalaga sa iba’t-ibang police stations sa lungsod.
Sa flag ceremony noong Hunyo 5, 2023 sa New Green City Hall Building ay ipinakilala ng Philippine National Police-Puerto Princesa City Police Office (PNP-PPCPO) sa pamumuno ni PNP City Director PCol. Ronnie Bacuel kay Mayor Bayron ang karagdagang puwersa ng pulis na madedestino sa lungsod.
Pinasalamatan naman ng Alkalde ang PNP sa mabilis na pagtugon nito para malagyan ng mga pulis ang mga bagong ipinatayong PNP-police stations ng pamahalaang lungsod sa Brgy. Napsan, Brgy. Luzviminda at Brgy. San Rafael.
Ayon naman kay Bacuel, maliban sa itatalaga ang mga ito sa iba’t-ibang field units at mga bagong police station ay magiging ‘tourist police’ din ang mga ito.
Ayon kay Bacuel, malaki ang magiging ambag ng mga bagong pulis para sa pagpapanatili ng seguridad, kapayapaan at kaayusan sa lungsod.
Mayroon pa rin aniyang darating pa na karagdagang bilang ng pulis para sa City PNP sa mga susunod na buwan. (OCJ/PIA-Palawan)