LUNGSOD NG CABANATUAN (PIA) — Humigit 11,000 yunit na pabahay ang itatayo sa lungsod ng Cabanatuan sa ilalim ng Pambansang Pabahay para sa Pilipino Housing (4PH) Program.
Pinangunahan mismo ni Human Settlements and Urban Development (DHSUD) Secretary Jose Rizalino Acuzar ang isinagawang groundbreaking ng naturang proyekto kasama sina Home Development Mutual Fund Chief Executive Officer Marilene Acosta, Nueva Ecija 3rd District Representative Rosanna Vergara, Cabanatuan City Mayor Myca Elizabeth Vergara, Vice Mayor Julius Cesar Vergara at mga kasamang opisyales.
Ayon kay Acuzar, bilin ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na bigyan ng bahay ang mga mahihirap na mamamayan kaya naman ito ang tinututukan ngayon ng DHSUD.
Pinasalamatan ng kalihim ang pamahalaang lungsod ng Cabanatuan sa matibay na pagsuporta sa pamahalaang nasyonal sa pagsusulong ng proyekto na pagpapatayo ng mga kailangang pabahay para sa mga mamamayan.
Sa unang phase ng high-rise housing project ay nasa 3,740 yunit ang itatayo na susundan ng 3,260 yunit para sa pangalawang yugto ng proyekto at 4,320 yunit sa pangatlong phase na may kabuuang 11,320 yunit na pabahay.
Ito ay itatayo sa may lawak na 4.3 ektaryang lupain sa barangay San Juan Accfa na naka-sentro sa mga paaralan, ospital, pasyalan at central transport terminal.
Pahayag ng kalihim, sisimulan na ang pagtatayo hindi lamang ng mga tahanan kundi ng isang komunidad na inaasahang magbibigay ng mas maayos na buhay sa mga residente ng Cabanatuan.
Nagpaabot din ng pasasalamat si Mayor Vergara sa ahensya para sa ibinahaging tulong sa siyudad.
Kaniyang binigyang diin na susubaybayan ng pamahalaang lokal ang implementasyon ng proyekto, simula sa mga pagpaplano, konstruksyon at hanggang sa pagkakaloob ng mga yunit sa mga benepisyaryo.
Ito na ang ika-26 na groundbreaking ceremony ng 4PH Program ng pamahalaan sa buong bansa. (CLJD/CCN-PIA 3)
Opisyal nang lumagda sa kasunduan sina Human Settlements and Urban Development Secretary Jose Rizalino Acuzar (pangatlo mula kanan) at Cabanatuan City Mayor Myca Elizabeth Vergara (pangatlo mula kaliwa) hinggil sa pagpapatayo ng Pambasang Pabahay para sa Pilipino Housing Program sa siyudad. (DHSUD)